Kuya Germs, laging abala noon ‘pag Lunes Santo!

Kuya Germs

Lunes Santo, simula ng mga Mahal na Araw. Naalala lang namin, kung ilang taon tuwing sasapit ang Lunes Santo, dinadala kami ni Kuya Germs (German Moreno) sa Manaoag, Pangasinan, para sa naipangako niyang taunang pilgrimage sa simbahan ng Nuestra Senora de Sto. Rosario de Manaoag. Isinasama niya ang lahat ng kanyang mga kaibigan, noong panahon ng That’s Entertainment. Mga limang air conditioned bus na punung-puno at pagkatapos na magsimba, may ipinapahanda pa siyang pagkain sa bahay nina Manay Gina de Venecia sa Dagupan.
Ang kasunod noon ay isang mahabang kuwentuhan at gabi na ang balik sa Maynila. Hindi pa roon natatapos ang mahal na araw ni Kuya Germs. Natatandaan naming minsan ay sumama pa siya sa amin para makiisa sa via crucis sa shrine ni Santo Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas, isang Miyerkules Santo.

Nakilala na rin kasi niya at itinuring na kaibigan ang noon ay pari sa shrine na si Fr. Dale Anthony Barretto-Kho.

Si Kuya Germs din ang naging simula ng aming pagsisimba nang hatinggabi sa Sto, Niño sa Tondo kung fiesta. At ilang ulit din niya kaming nayaya sa simbahan ng Quiapo, dahil hindi niya makalimutan na sa Nazareno siya nanalangin na sana makakuha siya ng trabaho kahit na janitor lang, at naging janitor nga siya noong una sa Clover Theater.

Noon naman daw hilingin niya na sana makuha siyang artista kahit na extra lamang biglang hindi nakasipot ang lumalabas na Kristo sa senakulo nila sa Clover at naisip ni Don Jose Zara na siya ang ipalit. Hanggang sa lumalabas na nga siya, nakuha siyang emcee sa isang event ng Sampaguita Pictures sa Life theater, at nang tanungin siya kung magkano ang bayad, hindi raw niya siningil at sinabi niyang isama na lang siya kahit na extra sa pelikula. Doon nagsimula ang kanyang movie career.
Sa lahat ng mga kuwento sa amin ni Kuya Germs tungkol sa kanyang buhay, lagi niyang sinasabi na ang lahat ng narating niya ay biyaya ng Diyos.

Minsan din, magkasama kami ni Kuya Germs, inaalok siya ng isang Sunday noontime show, at isa pang daily show ng isang kabubukas na network. Ibig sabihin noon, aalis siya sa Channel 7. Sa kanilang pag-uusap, iniabot sa kanya ang susi ng isang bagung-bagong Mercedes Benz. Tinanggihan iyon ni Kuya Germs.

Noong pauwi na kami, sinabi niyang tinanggihan niya iyon dahil iyon ang kanyang nadama habang nagdarasal sa simbahan ng Our Lady of Mt. Carmel sa Broadway kung saan kami dumaan bago ang meeting na iyon.

Tradisyon sa Mahal Na Araw, inaabangan na lang sa internet

Sa taong ito, kagaya rin noong nakaraang taon, wala ang ating mga nakagawiang tradisyon kung mahal na araw. Hindi kami makakapag-Visita Iglesia, dahil limitado lang ang taong papapasukin sa loob ng mga simbahan, Wala ring prusisyon sa Biyernes Santo. Wala ring salubong sa Pasko ng Pagkabuhay.
Lahat, aabangan mo na lang sa live streaming sa internet, pati ang pagtata­nod sa Banal na Sakramento sa Huwebes Santo ng gabi. Dahil iyan sa pandemic.
Kahit na tayo ay nasa bahay lamang sa buong isang linggong ito, idalangin ­nating sana ay matapos na ang pandemic na ito at makabalik na sa normal ang ating buhay. Hindi iyang quarantine o lockdown ang solusyon sa problema, hindi rin iyang bakuna na iyan. Ang awa at biyaya ng Diyos ang tatapos sa pandemyang iyan. Baka hindi pa sapat ang ating panalangin, dagdagan pa natin.

Show comments