Tuloy na pala ang sinasabing serye na gagawin nina James Reid at Nancy McDonie ng Momoland, iyan ay kahit na ipinipilit ng mga JaDine fans na ayaw nila niyan at ang gusto nila ay itambal lamang si James kay Nadine Lustre.
Pero siyempre ang masusunod ay ang producers, sila ang mamumuhunan.
Actually malaking trabaho iyan. Hindi natin alam kung kakagatin si Nancy bilang isang artista. Oo sumikat na siya pero bilang isa lamang sa kanilang all-girl singing group, lalo na nga dito sa atin, wala pa siyang napapatunayan bilang solo performer.
Matagal ding nawala si James, at kahit sinasabing aktibo siya sa music, hindi rin masyadong napapansin ng publiko. Siguro iyong fans lang na medyo upscale ang nakakapansin ng kanyang mga kanta, pero ang masa, hindi pa naririnig iyon. Mabuti nga kahit papaano nakikita siya sa mga taniman ng gulay, dahil kung hindi, wala na siya.
Napakalaking sugal ng kanilang tambalan at marami ang duda kung ano nga ba ang kahihinatnan niyan, lalo’t on the air sila sa isang channel na mahina ang power. Sa internet naman, hindi pa rin ganoon kalakas ang following dahil hindi naman lahat naka-internet, at madalas palpak ang serbisyo ng internet, kaya napuputol ang pinanonood mo.
Pero kung mayroon mang kawawa ang sitwasyon ngayon, si Nadine Lustre na nga siguro iyon. Kung mag-click si James na iba ang partner, maiiwan na siya nang tuluyan. Kung hindi naman mag-click si James, wala munang gagawa ng proyekto kaya wala ring aasahan si Nadine.
Doon sa huling dalawang pelikula niya na parehong flop, lumalabas na malakas lang siya kung si James ang kasama, pero kaya nga sinubukan ding paghiwalayin sila noon, kasi humihina na rin. Tuluyan na silang natabunan ng KathNiel, at noon nalampasan pa sila ng AlDub.
Marami naman ang takot na sugalan ngayon si Nadine dahil sa kasong isinampa laban sa kanya ng Viva. Baka nga naman igawa mo ng project tapos ma-TRO lang naman, at masama ka pa sa demanda. Kaya sa sitwasyon ngayon, si Nadine ang maiiwan talaga.
ABS-CBN natunugan ang plano ng Kongreso sa prangkisa
Parang hindi nga rin mangyayari ang inaasahan na makakarating sa plenaryo ng Kamara iyong bill na ni-reject nang una ng kanilang committee on franchise. Ibig sabihin, bitin talaga ang ABS-CBN.
Nagharap nga ng panibagong bill si Congresswoman Vilma Santos, pero hinarang iyon ng iba at sinabing bago iyon talakayin, tapusin muna ang usapan sa naunang panukala na naibasura na ng committee. Iyon na daw muna ang iharap sa plenaryo.
Kaya siguro hindi excited ang ABS-CBN noong sabihing pag-uusapan na iyon sa plenaryo. Natunugan na siguro nilang iyon ay pampalubag loob lang.
After all sinabi na nga ni Presidente Digong na bigyan man sila ng franchise, haharangin pa rin niya ang pagpapatupad noon maliban kung babayaran nilang lahat ang sinasabing “tax deficiency” nila. Baka masabihan din sila ng “manigas ka.”
Mukha ngang sa 2023 na lang sila magsisimulang umasa ulit.
Male star na madalas sa tambayan ng mga bading noon, sa bahay na dinadala ang ‘kaligayahan’
Dahil sumikat na rin naman siya kahit na papaano, hindi na magawa ng isang male star na tumambay-tambay sa gay melting spots, hindi kagaya noong araw na siya pa ang “reyna ng Malate.”
Ngayon kahit na raw niyayaya siya sa paborito niyang gay bar na ngayon ay nasa Mandaluyong area na, umiiwas siya.
Pero dahil kahit na papaano may datung na rin siya, at may name na rin naman, ang style niya ngayon ay iniimbita na lang daw niya ang paborito niyang ledge dancer at pinapupunta sa bahay niya, o kaya sinusundo niya at isinasama kung saan man niya gustong magsaya.
Pero ang hindi ko maintindihan, kung ano ang sinasabi ng sources na hindi raw ang ledge dancer ang nagsasayaw, kundi ang gay male star ang siyang sumasayaw.
Ano ba namang kuwento iyan? Huwag naman ninyong sabihin na ganoon nga.
Hindi na siya natakot sa COVID at AIDS ha.