Panibagong franchise ng ABS-CBN, hindi pa klaro ang kapalaran
Matapos muling magsampa si Senate President Tito Sotto at si Congresswoman Vilma Santos ng mga panukalang batas na muling bigyan ng 25 taong bagong franchise ang ABS-CBN, nagsimula ang Kamara ng hearing tungkol diumano sa mga pagkakautang ng pamilyang Lopez na may-ari ng ABS-CBN sa gobyerno.
Ipinagdiinan ni Congressman Mike Defensor na bagama’t nakalusot maski sa COA ang kanilang hindi pagbabayad ng bilyong utang sa DBP, na napilitang ipasa ng DBP sa ibang financial institution dahil hindi na nga sila makasingil, mali diumano na ang halaga lamang nakuha ay 40 percent ng kabuuang utang. Walang maipakitang dokumento ang kinatawan ng DBP na magpapatunay na legal ang kasunduan, dahil inalis na raw iyon sa kanilang archives dahil lampas sampung taon na. Damay lang kung ganoon ang ABS-CBN sa problema pati na sa ibang mga kumpanya ng mga Lopez. Sinasabi kasing “ginamit nila ang ABS-CBN para matakot ang mga nasa gobyerno na sila ay habulin noon.”
Kinagabihan naman, sa kanyang statement sa publiko, sinabi ni Presidente Digong na papayagan niyang magbukas ang anumang kumpanyang may franchise basta bayaran ang lahat ng utang na taxes sa gobyerno. Kung hindi raw babayaran ang kabuuang tax, kahit na may franchise hindi siya papayagang magbukas. Hindi tinukoy ng presidente ang ABS-CBN, pero maliwanag sa mga nakakarinig na ang kumpanya ang kanyang pinatutungkulan.
Bagama’t sinabi ni BIR na maayos ang pagbabayad ng tax ng ABS-CBN, maraming lumabas na ginamit na pamamaraan para “legal na maiwasan ang pagbabayad ng malaking tax.” Isa sa mga inilalabas na issues ay mas malaki raw ang tax na binayaran ng GMA 7, sa kabila ng katotohanang mas malaki ang kinikita ng ABS-CBN kaysa sa kanila. Kabilang na riyan ang isa raw kumpanya na siyang pinalalabas daw na tumatanggap ng bayad sa kinikita ng ABS-CBN.
Sa takbo ng mga usapan, talagang nakasalalay pa rin sa desisyon ng pangulo ang pagbubukas na muli ng ABS-CBN. Maraming bargains ang ibinigay noong una pa. Sinabi ni Presidente Digong noon na patatawarin niya ang ABS-CBN sa naging atraso sa kanya kung isusulong ng network ang federalization.
Sinabi na rin noon sa kanila na bayaran ang kabuuang tax, na sinasabi naman nilang nabayaran na nila. Kung saan hahantong ang usapang iyan, hindi natin alam.
Pero sa ngayon, mukhang natanggap na ng ABS-CBN na gagawa na lamang sila ng program content at papasok na lang sila bilang blocktimers, kagaya ng ginawa nila sa Zoe Broadcasting Network, o makikipag-partner bilang content producer kagaya ng sinasabing bagong kasunduan sa TV5.
Jolina, na-scam
Na-scam si Jolina Magdangal ng isang negbebenta diumano ng mga halaman online. Matapos na magbayad si Jolina sa kanyang biniling halaman, hindi na niya mahanap ang seller. Marami talagang raket na nangyayari online, lalo na nga iyong lumalabas sa mga social media.
Mayroon kaming kakilala na bumili ng cellphone pero ang idineliver ay sabon. Nauwi lang iyon sa pagtatalo ng seller at courier, walang umamin kung bakit naging sabon ang cellphone.
Nangyari rin iyan sa amin. Bumili kami ng payong na mahigit isang libo ang halaga. Kesyo German technology daw at hindi babaliktad sa malakas na hangin. Pero nang dumating, isang maliit na balot na mabilis naming binuksan sa harapan ng nag-deliver. Ang laman, folding umbrella na tig-P50 sa Quiapo. Nang ni-reject namin iyon at tumanggi kaming bayaran, tinakot pa kami na maba-blacklist daw kami. Eh ‘di i-blacklist ninyo tutal hindi na kami bibili sa inyo.
Totoo iyang mga raket online, kaya mas mabuti pa rin na bumili sa mga tindahan kung saan makikita ninyo mismo ang inyong binibili, kaysa sa magpabiktima sa mga ganyang tao.
Poging male star mabaho sa personal kahit mukhang malinis na
May sponsor na naman ang poging male star na nalaos na. Pero dahil inilagay na ulit sa ayos ng “sponsor,” lumitaw ang pagiging pogi ulit. Pero kahit na pogi na siya ulit, mukhang wala pa ring gustong pumatol sa kanya kundi ang kanyang gay sponsor, at ang girlfriend niyang laos na rin at baliw na baliw pa rin sa kanya.
Sabi ng isa naming source, “maayos lang naman siya sa picture, pero sa personal, may amoy pa rin. Hindi lang kasi kulang sa paligo, dahil din iyon sa bisyo niyang droga.”
- Latest