MANILA, Philippines — Mas masayang mga umaga ang naghihintay sa pagbabalik ng minahal nilang palabas na Sakto sa TeleRadyo bilang isang morning show simula Lunes (Oktubre 26).
Abangan mula 6 a.m. hanggang 7 a.m. ang bagong tropa sa umaga na pinangungunahan ng orihinal na host na si Amy Perez, kasama sina Johnson Manabat at si Jeff Canoy.
Sagot ni Johnson ang mga balita at panayam sa maiinit na isyu sa segment na Gising Pilipinas, habang sina Jeff at Amy naman ang bahala sa Saktong Kwentuhan sa mga usaping relasyon, kalusugan, karera, at libangan. Mamimigay rin ng premyo ang tatlo sa maglalaro sa Saktuhan Na.
Kasunod nito bandang 7 a.m. ang TeleRadyo Balita nina Noli “Kabayan” De Castro at ABS-CBN News reporter Joyce Balancio at ang programang Kabayan pagpatak ng 8 a.m. Hatid ni Noli dito ang tatak TeleRadyo at tatak-Kabayan na public service kung saan magsisilbi siyang tulay upang makarating ang tulong mula sa gobyerno at mga organisasyon sa mga nangangailangang Pilipino.
Matalino pero masayang diskusyon sa maiinit na isyu naman ang hatid ng mga beteranong mamamahayag na sina Danny Buenafe at Tony Velasquez sa bagong morning habit ng bayan na On The Spot ng 9 a.m.
Pagkatapos nito, serbisyo publiko muli ang tututukan nina Julius Babao at Bernadette Sembrano-Aguialdo sa Lingkod Kapamilya simula 10:30 a.m. Hangarin ng programa na mas marami pang Pilipino ang matulungan at mabigyan ng pagkakataong marinig ang hinaing. Napakarami na ring nawawalang indibidwal ang nakauwi sa kanilang pamilya sa tulong ng programa. Susundan naman ito ng pagbabalita nina Julius at Tony sa mga isyu at pangyayari sa buong bansa sa Headline Pilipinas pagpatak ng 12 nn.
Abangan ang Sakto, TeleRadyo Balita, Kabayan, On The Spot, Lingkod Kapamilya, at Headline Pilipinas sa TeleRadyo sa cable at online via livestreaming sa iWantTFC, DZMM TeleRadyo Facebook page at YouTube.