Gusto kong simulan ang kuwento sa history. Noong unang panahon, wala namang Quezon City. Nagsimula lang ang kuwento noong mapadpad sa isang bulubundukin malapit sa Maynila si San Pedro Bautista. Iyon mismong santo, galing iyan sa Pilipinas bago naging martir sa Japan. Nangyari iyan noong 1590. Nakakita siya ng isang kuweba sa tabing ilog. Naisip niyang iyon ay magandang lugar dalanginan, kaya madalas siyang nagpupunta roon.
Nang malaunan, nagtayo siya ng isang retreat house na pawid. Iyong bundok na iyon ay ipinangalan niya sa patron ng kanilang orden na si San Francisco, kaya nagkaroon ng San Francisco del Monte. Ang lugar na iyan ay bahagi pa noong panahon noon ng Caloocan, na nasa ilalim naman ng lalawigan ng Morong. Gumawa sila ng isang daan, papunta sa bundok, iyan ngayon ang Del Monte Avenue. At ‘yan ang kasaysayan ng kalyeng iyan.
May isa pang maikling kalye noong araw, ang Retiro, na kaya tinawag na ganoon ay dahil siyang daan papunta sa “retreat house” ng mga Franciscano. Hindi rin inisip ang kasaysayan at pinalitan iyon ng pangalan, at ngayon ay Norberto Amoranto.
Ang aming saloobin, matutuwa kami kung mabibigyan ng parangal si Fernando Poe Jr., dahil siya ay bahagi ng industriya na aming ginagalawan. Pero ang batayan para ipangalan sa kanya ang Del Monte Avenue ay dahil doon matatagpuan ang studio ng FPJ Productions na sa palagay namin hindi sapat na dahilan iyon para balewalain ang historical value ng pangalang Del Monte Avenue. Iyong simbahan ngayon na siyang kauna-unahang itinatag sa Quezon City, at iniangat pa ng karangalan ng Papa Francisco at idineklarang isang basilica minore. Iyong simbahan din mismo ay kinilala ng historical commission bilang isang “national cultural heritage.” May ganoon ding batas na kumikilala sa simbahan na pinalabas ng Quezon City Government.
Lahat ng pagpapahalagang iyan sa kasaysayan hindi lamang ng simbahan kundi ng lungsod ay mababalewala kung ang Del Monte Avenue na bahagi ng kasaysayan ay gagawin nilang FPJ Avenue.
Maging ang mga barangay na apektado ay may petisyong huwag baguhin ang pangalan ng kalye, dahil sila naman ang residente roon. Hindi sila tinanong ng mga nagpanukala ng batas. Ang nagpanukala ng batas ay si Senador Lito Lapid na taga-Pampanga. Payag din daw si Senador Bong Revilla na taga-Cavite. Natanong man lang ba nila iyong mga lehitimong taga-Quezon City?