Kung nabubuhay pa si Kuya Germs (German Moreno) ngayon, 87 years old na sana siya. At sa edad na iyon, naniniwala kaming kung buhay pa siya nagho-host pa rin siya ng sarili niyang TV show. Hindi mo mapapagpahinga si Kuya Germs. Hindi ba lagi nga niyang isinisigaw “walang tulugan”. Kasi parang inako na niya ang kanyang tungkulin bilang isang star builder.
Idolo niya ang dalawa niyang mentor, si Don Jose Zara ng Clover theater, na noong kanyang panahon ay nakapagpasikat ng napakaraming malalaking stars ng vaudeville. Idolo rin niya si Dr. Jose Perez ng Sampaguita Pictures, na alam naman natin kung ano ang nagawa para sa industriya ng pelikula sa ating bansa. Kaya dahil mga idolo niya at pinanunundan, ayaw tumigil ni Kuya Germs ng pagtuklas ng mga bagong stars dahil sinasabi nga niya, “hindi puwedeng mawalan ng mga bagong artista”.
Nakita namin ang hirap at sakripisyo ni Kuya Germs. Sarili na niyang pera, na mga naipon niya noong araw ang ginagamit niya para makapag-build up pa ng mga artista. Kahit na madaling araw na ang kanyang show, hindi maikakaila na maraming mga artista na pinakikinabangan ang mga natutunan sa kanyang show.
Kung si Kuya Germs ay dapat ngang parangalan, huwag ninyong kalimutan na siya ang unang nagparangal sa maraming kinikilalang haligi ng industriya. Noong nabubuhay pa si Kuya Germs, sarili rin niyang pera ang ginastos niya roon sa kanyang sinimulang Walk of Fame. Ngayon na lang naman naging foundation iyan, noong una, bulsa ni Kuya Germs din ang sumusuporta riyan.
Kung susukatin, mas maraming nagawa si Kuya Germs para sa showbusiness, kaysa sa nagawa ng showbusiness para sa kanya. Pero minahal niyang talaga ang showbusiness, after all bakit nga ba siya tinawag na ‘Master Showman.’
MTRCB, nabawasan ang pondo sa pagsasara ng ABS-CBN at sinehan
Medyo umatras sa kanilang stand si MTRCB Chairperson Rachelle Arenas.
Hindi naman daw nila planong i-regulate ang mga palabas sa streaming sites kagaya ng Netflix. Nakikiusap lang daw sila na sundin ng mga iyon ang Philippine ratings ng kanilang mga palabas. Hindi ganyan ang nauna nilang stand, na nagsasabing dapat dumaan sa kanilang classification pati ang palabas sa internet video streaming.
Kinontra sila dun ng Kongreso at ng industriya ng pelikula. Pero ngayon naintindihan din namin kung bakit nila binalak iyon. Halos kalahati pala ng kita ng MTRCB ang nawala dahil sa umiral na pandemic at pagpapasara sa ABS-CBN.
Marami kasing subsidiaries ang ABS-CBN kagaya ng Star Cinema at Cinema One na gumagawa ng sarili nilang content, at natural nagbabayad ng review fees sa MTRCB.
Dahil din sa pandemic, maski ang isa pang malaking content producer ang GMA 7, ang palabas puro replay, na ibig sabihin na-review na ng MTRCB, nabigyan ng ratings at hindi na kailangang i-review ulit. Walang nagbabayad sa kanila ng review fee.
Wala silang kinikita, kaya siguro nila nasilip ang video streaming bilang isa pa sa maaaring mapagkunan ng pondo.
Sarado rin lahat ng mga sinehan at walang gumagawa ng pelikula.
May pondo naman sila sa ilalim ng office of the president. At sigurado susuweldo naman ang kanilang mga empleyado kahit na wala silang ginagawa sa ngayon, pero mahirap din na ang ahensiya mo ay walang sariling kita.