Bukas ang TV5 sa mga block time producers kaya halos lahat ng mga bagong entertainment programs ng nasabing network ay produced ng iba’t ibang independent producers tulad ng Viva Entertainment, Archangel Media Inc. at Brightlight Productions ng businessman at dating politician na si Albee Benitez.
Ang Viva TV ay magpu-produce ng maraming programa kasama na rito ang local franchise ng The Masked Singer, isang celebrity reality singing competition na lalahukan ng mga kilalang celebrity singers mula 70’s to the present. Ang mga celebrity contestants ay naka-full costume (from head to toe) at hindi makikilala kahit ng mga celebrity judges na binubuo nina Aga Muhlach, Matteo Guidicelli, Cristine Reyes at Kim Molina with Billy Crawford hosting the program.
Ito ay magsisimulang mapanood sa TV5 sa darating na October 24 (Saturday) at 7 p.m.
Bukod sa The Masked Singer ay may dalawa pang local franchise ng American and British game shows ang nakuha ng Viva, ang The Wall at 1,000 Heartbeats.
Mapapanood din sa TV5 ang iba pang produced shows ng Viva under Epik Studios which include The Great Adventures na tatampukan nina Benjie Paras and Empoy Marquez, TV remake ng Ninja Kids, Puto at ang horror weekly series na Kagat sa Dilim.
Magpu-produce din ang Viva ng TV soap opera at mga Tagalized Korean movies and TV series.
Bukod sa Viva, nariyan din ang Archangel Media ng mag-business partners na sina Mike Tuviera at Jojo Oconer na siyang producer ng tatlong bagong TV programs sa 5, ang dalawang game show na Bawal na Gameshow, Fill In the Bank at ang daily morning show na Chika BESH! (Basta Everyday Happy). In the works naman ang tatlo pa nilang bagong TV show at dalawang movie projects.
Ang Brightlight Productions naman ni Albee Benitez ay lima ang bagong programa na magsisimula ngayong Oktubre, ang weekly magazine show na Rated Korina ni Korina Sanchez-Roxas, ang daily noontime show na Laugh Out Loud, ang weekly sitcom na Oh My Dad, ang weekly gag show na Sunday Kada Kada Sunday at ang Sunday noontime musical show na Live@5: Ultimate Sunday Party na nakatakdang idirek ni Johnny Manahan na umalis na bilang co-founder ng Star Magic, ang talent training, development and management ng ABS-CBN at bilang director ng longest-running musical variety show na ASAP Natin `To.
Sa mga bagong programang nabanggit, hindi malayong makopo ng TV5 ang ratings na never nilang naranasan dati.
Nakakalungkot lamang isipin, Salve A., na dahil sa pagbasura ng 70 kongresista sa prangkisa ng ABS-CBN ay libu-libong mga Kapamilya ang nawalan ng trabaho, maraming programa sa telebisyon at radio ang nawala sa ere at nagkawatak-watak ang dating magkakapamilya sa network.
Ultimo ang chairman emeritus at director ng ABS-CBN (second generation) na si Gabby Lopez ay nag-resign sa kanyang post maging sa ibang affiliate companies ng Kapamilya Network.
Pero iisa lamang ang malinaw dito na walang permanenteng bagay dito sa mundo kundi ang pagbabago.