Ate Vi may pinaglalaban, nawalan na dati ng chairmanship

Ate Vi

Sinabi ni Congresswoman Vilma Santos na kung dumating ang isang panahon na medyo nagpalit na ng sentiments ang mga kasama niya sa mababang kapulungan ng Kongreso, at may posibilidad na lumusot ang panibagong franchise application ng ABS-CBN, nakahanda siyang mag-sponsor  muli ng isang panukalang batas na pabor doon.

Pero aminado si Ate Vi, mukhang mahihirapan nga ang sinasabing peoples’ initiative na iminumungkahi naman ng ilang mga lider ng oposisyon, para ang mga mamamayan na raw ang magbigay ng franchise sa napasarang istasyon. Kailangan nga kasi ang sampung porsiyento ng bawat political district, verification ng Comelec, at isang referendum bago mangyari ‘yun

Sinabi rin ni Ate Vi, na personally wala siyang interest sa ABS-CBN, kahit na sinasabi ng ibang mga naninira sa kanya na kasi raw may programa sa network ang kanyang anak na si Luis Manzano. Inamin naman niyang wala siyang pakialam sa trabaho ng kanyang anak, at ni hindi siya kinokunsulta sa mga desisyon nito.

Ang concern lang daw niya ay ang mga manggagawang nawalan ng trabaho, na karamihan ay nakatrabaho rin naman niya noong araw. Bukod doon alam niya na marami talagang lugar sa Pilipinas na ang umaabot lamang ay ang signal ng ABS-CBN, dahil sa kanilang ginagawang satellite broadcast, lalo na nga doon sa mga lugar na maraming bundok na sagabal sa signal ng free TV. At iyon lang ang napagkukunan ng impormasyon at kailangan iyon lalo na ngayong may pandemya.

Tungkol naman doon sa sinasabing baka dahil sa ginawa niya ay alisan siya ng puwesto sa mababang kapulungan ng Kongreso, ang sagot ni Ate Vi, “sanay na ako diyan. Hindi ba inalisan na rin ako ng committee chairmanship noong bumoto ako laban sa death penalty? Pero iyon ang sinasabi ng mga constituent ko. Kinakausap ko naman sila bago ako gumawa ng desisyon, at dahil iyon ang mas pinapaboran ng mga constituent, ako bilang representative, iyon ang kakatigan ko.”

Tirahan ni Bela gwardyado ng mga pulis

May isang lalaking nagsabing siya raw ay dating kaklase at boyfriend ng aktres na si Bela Padilla noon pang nasa Davao sila, at nagtangkang pumasok sa kanyang condominium sa Mandaluyong City. At iyon ang dahilan kung bakit mabilis na dumulog si Bela sa Mandaluyong City Police at mag-report tungkol sa pangyayari.

Nangangamba si Bela para sa kanyang kaligtasan dahil sinasabi nga niya, ni hindi niya kakilala ang nagpapanggap na naging boyfriend niya.

Sa ngayon isinailalim naman si Bela sa police protection. Magkakaroon ng close watch sa kanyang tinitirahang condominium para maiwasang maulit ang nangyari.

Network war naglaho na

Nakakatuwa naman at nagiging guest sa Eat… Bulaga ang maraming stars ng ABS-CBN. Bagama’t ang Eat… Bulaga ay blocktimer lamang sa GMA 7, maliwanag na tapos na ang network wars dahil kung hindi, walang stars ng ABS-CBN ang makakapag-guest sa kanilang kalabang istasyon.

Hindi nga ba kahit na promo lamang ng kanilang mga pelikula noon ay hindi maaaring banggitin sa mga show ng ABS-CBN ang pangalan ng mga artista ng GMA 7?

Nawala na nga ang network war, nakiisa pa ang GMA 7, pati ang news sa laban ng ABS-CBN. Ngayon nagkakatulungan sila sa kanilang industriya.

Show comments