Isa si Congresswoman Vilma Santos sa nagkampanya sa kanyang mga kasamahang kongresista para ipasa sana ang bagong franchise ng ABS-CBN, pero natatawa lamang siyang nagsabi na walang nag-alok sa kanya kahit na singko para gawin iyon. Marami nga raw ang kumukuha ng kanyang reaksiyon dahil sa nasabi ng isang congressman na inalok siya ng 200 milyong piso para bumoto pabor sa ABS-CBN.
“Sa awa naman ng Diyos walang nagtangkang mag-alok sa akin nang ganyan, sa simula pa lang, kasi alam naman siguro nila na mapapahiya sila sa akin. Marami ang lumalapit at nakikiusap din maski na sa ibang mga bagay, pero walang nagkamali minsan man na mag-alok sa akin nang ganyan.
Hindi natin maikakaila na may nangyayaring ganyan. Ang tawag nila riyan “lobby money”, pero depende rin naman siguro sa lalapitan nila. Basta alam nila na hindi ka tatanggap, hindi naman sila lalapit sa iyo. Minsan naman hindi iyong concerned party ang gumagawa niyan kundi ibang tao na ang akala ay makakatulong sila dahil ginagawa nilang ganoon.
“Pero sa akin kasi, simula noong maging mayor ako, naging governor at ngayon congressman, sinabi ko nang huwag silang magkakamali sa akin nang ganyan,” ang natatawa na lang banggit ni Ate Vi.
“Kahit naman saan may tsismis ng lagayan. Sa atin nga eh, hindi ba matindi ang mga tsismis ng lagayan sa mga award? Pero depende sa tao iyan eh. May gustong manalo na naglalagay. May mga tao namang manalo o matalo walang pakialam basta hindi siya maglalagay.
“Lumang issue na iyan lagay. Kung gusto ko pa ng pera, gagawa na lang ako ng pelikula. Hindi ko na kailangang tumanggap ng lagay,” sabi ni Ate Vi.
Rolex ni Sharon hindi pinatulan ni Agot
Bawal ang judgmental. Hindi naman tama ang ganyan. Natawag ang aming pansin sa isang comment ng singer na si Agot Isidro na wala raw sa ayos ang pagpo-post ni Jinkee Pacquiao ng kanyang mga bisikletang Hermes at Louis Vuitton, na tinatayang nagkakahalaga ng isang milyong piso, sa panahong ito na marami ang naghihirap dahil sa umiiral na pandemya.
Pero kung iisipin, ano nga ba ang pakialam ni Agot kung si Jinkee ay may ganung bisikleta? Nasa posisyon din ba naman si Agot para magsalita nang ganoon? Sa kanilang dalawa ni Jinkee, sino kaya ang mas may naitulong sa mga biktima ng pandemya?
Bakit si Sharon Cuneta, naglalabas ng Rolex sa panahon ng pandemya, hindi sinabihan ni Agot na insensitive? Natatakot ba siyang masabihan din siya ni Sharon ng “kampon ni satanas”?
San Pedro Bautista dineklarang minor Basilica ng Santo Papa
Nais lang po naming ipagmalaki na ang aming parokya, ang simbahan ni San Pedro Bautista sa Quezon City ay idineklarang isang minor basilica ng Santo Papa Francisco noong isang araw. Ang simbahan ni San Pedro Bautista ay pinaka-matandang simbahan sa Quezon City, at itinayo ni San Pedro Bautista mismo noong siya ay isa pang misyonero sa Pilipinas. Ang simbahan ay nasa San Francisco del Monte, ang kauna-unahan ding community sa lungsod.
Iyan po ang ikalawang basilica sa Quezon City. Naunang itinalaga rin ni Papa Francisco ang simbahan ng Mahal na Birhen ng Carmel.