Yumao na ang beteranong aktres na si Lilia Dizon sa edad na 92. Nanay siya nina Boyet, Pinky at Lara Melissa. Iyon lang ba ang sasabihin ninyo?
Hindi namin inabutan ang panahon ni Lilia Dizon, pero dahil sa mga narinig namin tungkol sa kanya, hinanap namin ang maraming bagay, pati na ang mga pelikulang kanyang nagawa. Sa Pilipinas, nakakalungkot isipin na wala talaga tayong magandang film archives, at iyang film restoration halos ngayon lang nagsisimula. Maraming magagandang pelikula noong araw na nawala na, lalo na noong panahong wala pang “safety film.”
Si Lilia Dizon ang kauna-unahang Pinay na naging Asia’s Best Actress, sa kumpetisyong ginanap noon sa Cambodia. Nanalo siya para sa pelikulang Kandelerong Pilak, na siyang kauna-unahang pelikula ring nakasali sa Cannes Film Festival, noong 1954 kung saan ang national artist na si Lamberto Avellana ang director ng pelikula.
Siya ay nanalo ring best actress sa FAMAS, para sa pelikulang Sanda Wong, kung saan niya nakatambal si Jose Padilla Jr. at sa direksiyon ng itinuturing na henyo ng pelikula, si director Gerardo de Leon.
Naghanap kami noon ng mga pelikula ni Lilia Dizon, at dalawa lamang ang aming napanood. Iyong Sanda Wong, na naitago pa namin ang isang kopya sa DVD, at ang Moises Padilla Story na siyang huli niyang pelikulang nagawa noong 1961 na kung saan katambal niya si Leopoldo Salcedo, maniniwala ba kayong sa pelikulang iyan ay naging support lamang si dating Presidente Erap? Si Presidente Erap ang lumabas na killer sa pelikula, na nang makita namin ay napakalabo na ng kopya.
Ayon sa mga kuwento ng mga nauna sa amin, si Lilia Dizon, na ang pangalan ay Claire Strauss y Dizon sa tunay na buhay, ay nagsimula rin sa vaudeville. Sa murang edad ay lumalabas na siya sa noon ay Lotus Theater. Una siyang naging artista sa pelikulang Probinsiyana noong 1946, na ang director ay si Susana de Guzman. Noon niya unang ginamit ang screen name na Lilia Dizon.
Sa totoo lang, marami siyang pelikulang nagawa, at maski na iyong mga nauna sa amin, hindi na rin matandaan kung ilang pelikula lahat iyon. May nagsasabi pang kulang ang nasa listahang nasa mga internet sites sa rami nang kanyang nagawa. Naalala nga namin ang kuwento ng isa pang star ng LVN noong araw, si Leroy Salvador. Ang kuwento ni Kuya Leroy noong araw, iyang si Lilia Dizon ay isa sa mga superstar ng LVN. “Pero mas kilala siya sa awards, hindi sa box office. Kasi noon ang kumikita sina Nida Blanca, iyong mga pelikula ni Felicing Constantino, kaya sila ang mabilis na maka-bale kay Dona Sisang,” kuwento pa ni Kuya Leroy.
Naging asawa niya ang aktor na si Gil de Leon, pero nagkahiwalay din sila. Hindi maliwanag sa amin kung nakakuha ba sila ng divorce, pero si Lilia Dizon ay nakapag-asawang muli, si Antonio Abad, kung kanino siya nagkaroon ng dalawang anak na babae, sina Toni at Corie.
Ang dami-dami pang kuwentong narinig namin tungkol kay Lilia Dizon.
Bakit nga hindi eh isa siya sa mga inirerespeto at kinikilalang pinaka-mahusay na aktres noong kanyang panahon. Maski ang ermat ko noon, fan ni Lilia Dizon. May mga kuwento pa nga siyang natira yata sila sa Quiapo, at madalas makita ng ermat ko na noon naman ay nakatira sa Ongpin.
Isang bagay lang ang natatandaan ng lahat ng mga nakakilala sa kanya, si Lilia Dizon ay isang magandang babae na hindi mo makikitang wala sa ayos. Lagi siyang naka-ayos basta lumabas ng bahay. Ganyan naman dapat talaga ang isang artista.