Nakunsumi na yata ang singer / aktres na si Lea Salonga sa mga nagmamarunong at nagsasabi na ang tunay niyang pangalan ay Maria Ligaya.
Sinabi niya na ang buo niyang pangalan ay Maria Lea Carmen Imutan Salonga. Natawa nga kami, tila nagkakaroon ng confusion dahil ang Ligaya ay pangalan ng ermat ni Lea.
Siguro nga dahil madalas nilang nababasa noong araw pa ang pa-ngalang Ligaya Salonga, akala nila si Lea ang tinutukoy.
Pero iyong mga nakakakilala sa kanya noon pa man, hindi magkakamali sa pangalan nilang mag-ina. Baka magkaroon pa ng confusion dahil baka hindi ninyo alam, pinsan ni Lea Salonga ang prima ballerina na si Maniya Barredo. Talagang ang pamilya nila ay connected sa arts.
May karapatan namang mapika si Lea. Ilang beses na nga naman niya ikino-correct iyang bagay na iyan, hanggang ngayon may nagpipilit pa rin.
Isipin ninyo kung mapapabayaan iyan, hanggang sa susunod na henerasyon maling pangalan niya ang makakagisnan.
Anita Linda nakatrabaho lahat ng mga henyo ng showbiz
Umagaw sa mga headline ang kamatayan ng aktres na si Anita Linda na naging superstar din naman noong kanyang panahon. Nakatambal niya ang mga sikat na leading men na kagaya nina Rogelio dela Rosa at Leopoldo Salcedo. Nakasama rin siya sa maraming pelikula ni FPJ, at ang kanyang career ay umabot ng 77 taon.
Pero napakaganda ng kuwento kung paano siya napasok sa showbusiness. Nanonood lamang siya ng stage show, ang tawag noon ay vaudeville, sa Avenue Theater nang makita siya sa audience ni director Lamberto Avellana. Ipinatawag siya sa backstage, at inalok na mag-artista. Bantulot siyang tanggapin ang alok dahil siya ay Bisaya. Pero binigyan siya ng calling card ng director. Nang hindi na siya magbalik, ipinasundo siya ng director, muling kinumbinsi. Lumabas siya sa isang vaudeville drama, iyong High School, hindi siya binigyan ng dialogue. Tapos itinambal siya kay Jaime dela Rosa sa Biyernes sa Quiapo, at nakatambal din si Leopoldo Salcedo sa Aksesorya.
Tapos noon nabigyan siya ng break bilang artista sa pelikula. Naging artista siya sa pelikulang Tia Juana ng LVN Pictures noong 1943. Noon siya binigyan ng screen name na Anita Linda, na ang nakaisip ay si director Bert Avellana din.
Ang nakakatuwa, ang lahat ng detalye sa kanyang pagsisimula sa showbusiness ay naaalala niya nang makausap namin siya sa set ng isang pelikulang kanyang ginawa mahigit na 20 taon na rin ang nakararaan.
Nakatrabaho rin niya bukod kay Avellana ang isa pang national artist for film, si Manong Gerry de Leon, na kinikilalang henyo ng pelikulang Pilipino. Nakatrabaho rin niya ang iba pang magaga-ling na director kagaya nina Lino Brocka, Mike de Leon. Chito Roño, Mario O’hara at marami pang iba.
Itinuturing din naming isang napakalaking pribilehiyo para sa amin ang makausap ang isang legend, si Aling Alicia Buenaflor Lake, o Anita Linda.