Pastor Quiboloy pinangaralan si Vice na ‘wag maging mayabang

Quiboloy

Napanood namin ang video ni Pastor Apollo Quiboloy na pinangangaralan si Vice Ganda. Ibinalik ni Quiboloy ang hamon sa kanya ni Vice Ganda na pumunta siya sa EDSA at patigilin ang traffic doon. Hinamon din siya ni Vice na patigilin ang Ang Probinsyano.

Ang mga hamong iyan ay tinanggap naman noon ni Pastor Quiboloy na nagdugtong pang “iyang network mo matitigil na rin.”

Ewan kung masasabi ngang nagkataon lang, pero ang sabi ni Quiboloy pinagbigyan lang daw niya ang kahilingan ni Vice, kaya nawala naman ang traffic sa EDSA, natigil ang Ang Probin­syano at nasara ang ABS-CBN.

Pero may pangaral si Pastor Quiboloy. Ang sinasabi niya, kung ang isang tao, kagaya ni Vice Ganda ay nabigyan nga ng pagkakataon ng Diyos na umangat sa buhay, “huwag maging mayabang.”

Binanggit din ni Pastor Quiboloy pati ang panlalait noon ni Vice kay Jessica Soho sa kanyang concert. Sinasabi niyang mali iyong nililibak mo ang kapwa mo tao, sabay baling kay Vice na nagtatanong “Ano ba ang hitsura mo. Mas nakakatawa ka, pero hindi kita pinagtawanan.”

Mukhang sa ngayon nga, si Vice tuloy ang sinisisi ng ilan kung bakit nasara ang ABS-CBN at natigil ang Ang Probinsyano.

Mayor Goma ‘nasayang’ang ginawang lockdown!

Umangal man si Mayor Richard Gomez sa natanggap niyang text message mula sa Department of Interior and Local Government at The Overseas Workers Welfare Administration na nagsasabi sa kanyang tanggapin ang tatlong eroplanong may sakay na OFWs na darating sa Ormoc kahit na kulang ang documentary requirement ng mga iyon kaugnay ng COVID-19, mukhang walang mangyayari sa angal niya. Kasi sinabi ni Presidente Digong na walang karapatan ang LGU na harangin ang mga iyon. Wala rin daw LGU na makapagtatakda ng protocols, at tanging ang national government lang ang makakapagtakda noon.

Ang sinasabi naman ni Mayor Goma, papaano kung may isa lang doon na carrier pala ng coronavirus, papaano na ang ginawa nilang pag-iingat para mapanatiling COVID-free ang kanilang bayan?

Isipin mo nga naman na napakatagal niyang isinara ang Ormoc, para pag-ingatan ang kanilang mamamayan, tapos kung ganyan na sisirain din ang protocol at hahayaan na lang papasukin ang kahit na sino basta ipinadala sa kanila ng mga ahensiya ng gobyerno, aba eh bakit pa nga ba naman nag-lockdown?

Mukhang unti-unti na ngang lumalabas ang mga depekto ng sistema.

Show comments