Bago ang umiiral na lockdown, pinararangalan pa ng industriya ng pelikula ang mga artistang may edad na. Kung tawagin sila ay “durable stars.” Sa mga awards, binibigyan sila ng lifetime achievement awards bilang pagkilala sa kanilang mga naiambag sa industriya ng pelikula at telebisyon dito sa ating bansa.
Makikita mo ang concern sa mga senior star, kagaya nga ng mga nangyari matapos ang disgrasya at naging pagkamatay ni Eddie Garcia, na siyang nagsimula pa ng pagkilos para mas pangalagaan ang mga artista at iba pang manggagawa sa set lalo na nga ang mga senior star.
Marami tayong mga senior stars na may malalaki pang roles na ginagampanan. Marami sa kanila ang malakas ang following kaya nga sila kinukuha sa mga pelikula at TV shows.
Pero ngayon, may gustong pairaling regulasyon na nag-aalis sa kanila ng pagkakataon, kung hindi man tuwirang naglilimita sa pagkakataon ng mga senior stars na makapag-trabaho. Kung sabihin kasi sa ngayon, sila ay “immunodeficient” na. Para bang sinasabing sila ay pabigat na lamang kung kukunin pang mga artista.
Kahit na sa ibang bansa, pinahahalagahan ang mga senior star. Mukhang dito lang sa atin ang binabalewala na sila. Nakakalungkot ang mga ganyang klaseng regulasyon na gusto nilang ipatupad.
Babalewalain na ba ninyo ang mga kagaya nina Nora Aunor at Vilma Santos dahil senior citizens na sila? Babalewalain na ba ninyo ang isang performer na kagaya ni Pilita Corrales? Ano ang gagawin ninyo kina Vic Sotto at Joey de Leon? Ilang mahuhusay na director at producers ang senior citizens na rin? Ilan iyang mga kinikilalang lider ng industriya na kabilang na rin sa mga senior citizen?
Mukhang iyang bagong regulasyong gusto nilang ipatupad ay maliwanag na discrimination sa mga senior citizens. Kailangan nilang ipaliwanag nang mabuti iyan.
Isa pa, wala naman yatang batas na nagtatakdang ang isang senior citizen ay hindi na maaaring magtrabaho, o hindi na dapat na maging isang artista.
Allan K nagpakawais sa mga negosyo
Natawa kami sa isang tsismis na naghihirap na raw ang komedyanteng si Allan K, dahil lumipat na siya sa isang mas maliit na bahay at sarado na ang kanyang mga negosyo.
Bakit simula ba noong magkaroon ng lockdown may nagbukas na bang mga comedy bars?
Isa pa, tama pa bang i-maintain ang ganoong negosyo na sa takbo ng mga pangyayari ay hindi naman papayagang makapagbukas dahil sa social distancing na kailangan? Aba eh kung ganyan ang negosyo mo, talagang wise ngang isara mo na.
Hindi dahil sa naghihirap si Allan K kaya nag-iisip siyang isara na ang mga negosyo niya. Nakikita lang niya, mahihirapan na siyang mai-maintain iyon dahil sa mga bagong regulasyon.