Dahil sa umiiral pa ring lockdown, bawal pa rin ang siksikan ng mga tao, at bawal pa rin ang paglabas-labas ng bahay kaya puro replay pa rin ang napapanood nating Eat Bulaga.
Noong isang araw, ang ini-replay nila ay iyong supposed to be, unang pagkikita ng AlDub. Pero hindi rin sila nagkalapit dahil biglang ibinagsak ni Lola Nidora ang isang wall sa pagitan nila.
Natatandaan namin ang show na iyan mismo, dahil noong unang ilabas iyan nang live, isa iyan sa mga episode na nagtala ng napakataas na ratings para sa Eat Bulaga. Hindi naman natin maikakaila ang katotohanan na may panahong ang Aldub ay tila naging isang phenomenon, na sinundan ng milyong tao.
Umuusok ang social media tungkol sa AlDub, pero iisipin nga ba ninyo na matapos lang ang ilang panahon para ngang hindi na sila pansin?
Simple lang ang nangyari. Lumabas ang totoo na walang totoong relasyon ang AlDub. May boyfriend nang iba si Maine, at hindi man lang nagtangka si Alden Richards na manligaw sa kanya.
Ginagawa lang pala iyon para sa fans, kaya ang fans na rin ang unang umatras.
Mga lumang pelikula ng Regal, walang binatbat ang mga pelikulang tinitipid ngayon
Sa totoo lang, may na-discover kami nitong panahon ng lockdown. Maraming pelikulang Pilipino na hindi namin napanood noong araw na maganda pala. Ngayon kasi madaling mamili, basta hindi mo gusto ang pelikula, lumipat ka lang ng channel.
In fairness ha, maraming magagandang pelikula mula sa Regal, na hindi namin napansin noong araw. Ang tanong nga namin, kung nakakagawa pala tayo ng ganyang mahuhusay na pelikula noon, ano ang nangyari at kung anu-anong klaseng pelikula na lang ang lumalabas ngayon?
Totoo ba na dahil iyon sa sobrang tinitipid ng mga producer ang pag-gawa ng pelikula?
Mga sinehan hindi pa alam ang kapalaran
Natawa kami doon sa pinalabas na guidelines ng FDCP tungkol sa shooting ng mga pelikula. Sana bago nila inisip ang guidelines sa shooting, inisip muna nila kung maipapalabas ba ang mga pelikula. Sana inisip muna nila kung kailan ba mabubuksan ang mga sinehan. Gagawa ka ng pelikula hindi naman maipapalabas. Paano ‘yun?