Maraming naninibago ngayon sa television programming. Iyong mga nakasanayang programa ay nawawala na. Ang ABS-CBN kung umaga, nawala ang morning show at ang ipinalit ay ang kasabay na broadcast ng dzMM Teleradyo at kasama pa ang ANC. Ang mga programa ng ANC nalagay naman sa gabi at nawala sa Teleradyo ang aming pinanonood na programa ni DJ Richards. Dahil iyan sa nililimitahan nila ang tao sa loob ng studio, at para makasunod sa home quarantine. Pero sinusuwelduhan naman daw sila nang buo sabi ng tv reporter na si Jeff Fernando.
Iyong GMA ganoon din naman. Pinag-merge nila ang news ng GMA News TV na off the air ngayon, at ng GMA 7. Lahat naman daw ng mga tao binabayaran pa rin ang suweldo kahit na sila ay naka-home quarantine.
Kung napansin ninyo, wala si Mike Enriquez sa kanilang newscasts, kasi nga pinag-iingat din nila dahil easy target siya ng virus. Bukod sa 68 years old na siya, may sakit siya sa puso, diabetic, at may iba pang mga sakit. Kailangan talaga quarantine muna siya.
Doon sa kabila naman, umaariba pa rin si Noli de Castro, kahit na siya ay senior citizen na rin at 70 years old na, dahil wala naman siyang sakit, kaya lang dahil sa edad kung iisipin mo kailangan na rin siyang mag-ingat. Pero kailangan nila ang isang personality na kagaya ni Noli.
FDCP mas tamang lumapit sa dole
Maganda ang layunin ng FDCP, nang sabihin nilang balak nilang tulungan ang maliliit na manggagawa sa industriya ng pelikula na walang kinikita sa panahong ito ng enhanced community quarantine. Aalamin daw nila kung sinu-sino ang mga iyon, at mula sa pondo nila ay bibigyan nila ang mga iyon ng tulong. Baka makahingi rin daw sila ng dagdag na tulong mula sa ilang concerned artists.
Pero ang tanong, nasa mandato ba ng batas na bumuo ng FDCP ng mga ganyang bagay?
Mas maganda kung gagawa na lang sila ng listahan at inendorso nila sa DOLE at sa DSWD na siyang may mandato para tulungan iyang mga mahihirap at mga nawalan ng trabaho.
Sa gobyerno, hindi mo maaaring gawin ang hindi mo trabaho.
Bela dapat maging handa sa public accounting
Mahigit na tatlong milyong piso na raw ang nalikom ni Bela Padilla para sa ginagawa niyang pagtulong sa mga street dweller at mga vendor na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa community quarantine. Pero dapat mag-ingat din si Bela, dahil hindi niya sariling pera iyan. May ibang taong nagbigay din. Dapat handa siyang magsumite ng isang public accounting ng lahat ng gastos niyan dahil baka dumating ang araw, pagbintangan pa siya nang hindi maganda. Alam naman ninyo ang mga tao sa social media ngayon. Sabi nga nila, maraming mga “mema” at “mamaru”.
Minsan iyong tumutulong ka na nga napagbibintangan ka pa ng hindi maganda eh.