Inalmahan ni Sunshine Cruz ang naging statement ni Chuckie Dreyfus na noong panahon ng That’s Entertainment ay naging mag-on sila ng mga anim o pitong buwan.
“Maski kailan hindi naging kami, at hindi siya nanligaw sa akin noong araw. Nang mapasok ako sa That’s Entertainment, 15 years old lang ako. Wala pa sa isip ko iyong ganung bagay. Ang una kong naging boyfriend, iyong naging asawa ko. Hindi ko alam kung saan niya nakuha iyong sinabi niyang naging mag-on kaming dalawa. Baka nananaginip siya,” sabi ni Sunshine.
Noong maging guest si Chuckie sa Eat Bulaga, sinabi niyang noong panahong nasa That’s Entertainment siya, mga siyam o sampu sa mga kasama ang naging girlfriends din niya. Noong hingan siya ng pangalan ng at least dalawa lang sa siyam o sampung iyon, ang binanggit niya ay sina Jessa Zaragoza at Sunshine Cruz.
“Maski nga iyong sinasabi niyang si Jessa duda ako roon eh, kasi hindi naman namin alam na naging mag-on sila, eh kami noon sa That’s nagkaalaman lahat,” sabi ni Sunshine.
Kami man, madalas noong araw sa That’s Entertainment at totoo ang sinasabi ni Sunshine, walang naililihim diyan kung sinu-sino ang mag-syota. Sila sila rin naman ang nagkukuwento eh. Pero si Sunshine, talagang walang naging boyfriend iyan sa show, at sigurado kami dahil isa si Sunshine sa naging close sa amin noon pang panahong iyon.
Maraming nag-ambisyong manligaw kay Sunshine, pero walang nakalusot sa alam namin at iyang si Chuckie na kilala rin naman namin, hindi namin alam na nagkagusto man lang kay Sunshine.
Kaya nga nabigla na lang si Sunshine noong sabihin ni Chuckie na naging mag-on sila.
“Sige nga sabihin mo kung naging ka-on ko siya noon,” hamon pa ni Sunshine sa amin.
Mga sinehan hanggang probinsiya sarado na rin
Ngayon, hindi na lamang ang mga sinehan sa Metro Manila ang nakasara. Ipinasasara na rin maging ang mga sinehan sa mga probinsiya. Isa sa mga probinsiyang nag-utos na isara na ang lahat ng mga sinehan ay ang Batangas, matapos na tumaas ang bilang ng nagkaroon ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Nakakalungkot ding tingnan. Nadaanan namin ang mga sinehan sa isang mall noong Linggo. Sarado lahat ang mga iyon. Ang tindahan ng popcorn at softdrinks ay may mga takip na lona. Madilim din ng entrance ng mga sinehan. Madilim din ang ticket sellers’ booth. Maiisip mo tuloy, may industriya pa ba ng pelikula sa Pilipinas?
Aktor na pumapatol sa foreigner na COVID-19, nasa isang government hospital
May isang indie male star ang sinasabing nag-positive sa COVID-19, pero hindi siya pinapangalanan at ni ayaw sabihin ng kanyang mga kaanak kung ano ang patient number na ibinigay sa kanya.
Suspetsa nila, nahawa ang indie male star sa isa sa kanyang mga nakasamang foreigner. Hindi naman nila matukoy ngayon kung sinong foreigner ang nakahawa sa kanya. Madalas daw kasi na mga “foreigners” ang ka-jamming ng nasabing male indie star.
Nasa isang government hospital na raw siya ngayon sa Maynila. Pero walang dumadalaw sa kanya dahil bawal iyon. Sa text naman daw ng indie star sa kanyang pamilya, sinasabi niyang bumubuti na ang kanyang pakiramdam at naniniwala siyang gagaling siya sa COVID-19.
May mga gumagaling naman talagang mga tinamaan niyan.