Pagdating pa lang ni Arnell Ignacio sa kanyang contract signing bilang bagong member ng Viva Artist Agency, nagtatawa na siya.
Sabi kasi niya, lahat daw pala ng mga presscon ay cancelled na dahil sa COVID-19 scare at ang natuloy lang bukod sa presscon ng DOH ay ang kanyang contract signing.
Umupo muna siya at dahil hindi pa nga nagsisimula ang presscon at contract signing, ang dami talagang kuwento ni Arnell na kung maaari nga lang isulat lahat, aywan.
Pero nilinaw ni Arnell later on, hindi ibig sabihing dahil babalikan niya ang kanyang career bilang isang actor ay pababayaan na niya ang kanyang “public service”. Sa katunayan, naniniwala siyang ang pagbabalik niya sa showbiz ay mas magiging advantage at magagamit niya para mas mapagbuti pa ang kanyang serbisyo publiko.
Sinasabi nga ni Arnell, napansin niya na mas mabilis ang solusyon sa mga problema ng mga nakasalamuha niyang OFW kahit na noon pa man, kung kinakausap niya sa karaniwang paraan. “Sino-showbiz ko sila,” sabi pa niya. Dahil karamihan naman daw sa mga manggagawang nasa abroad ay nalulungkot lamang at gustong may makausap na tao, na nakahanda ring makinig sa kanila.
Kaya sinasabi nga niya, “iyong showbiz language natin, malaki ang nagagawa. Iiwanan mo silang masaya at para sa kanila sapat na iyon para mawala ang kanilang problema. Bigyan mo sila ng solusyon, pag-alis mo malungkot pa rin ang mga mukha nila. At alam ba ninyo na ang DOLE, hindi pa man may solusyon na sila sa mga problema ng mga manggagawa, parang hindi lang naiintindihan nang husto,” sabi pa ni Arnell.
“Sa showbiz, nang alukin ako ng Viva ulit, sabi ko ok naman, pero sila na ang bahala. Ipinagkakatiwala ko na sa kanila kung ano man ang ipagagawa nila sa akin. Nakiusap din naman ako kay Boss Vic (del Rosario), tulungan din naman niya ako sa mga project na gagawin ko, lalo na para sa mga OFW. Iyon ang dahilan kung bakit ako may radio program. Iyon din ang dahilan kung bakit ako pumayag na magbalik bilang isang actor, kasi mas makaka-reach out ako sa mga tao kung gagawin ko ito,” sabi pa ni Arnell.
Mga Indie Filmfest napuruhan
Kagaya ng sinabi na namin, lahat ng mga film festival na naka-schedule ay cancelled na. Karamihan naman kasi sa mga pelikula nila indie, na mahina na sa sinehan at kung ganyan ngang may banta pa niyang coronavirus, ano pa ba ang aasahan mo? ‘Di magtatapon ka lang ng pera kung itutuloy pa.
Pati nga ang kasal nina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati, na pinaghandaan nila nang matagal na panahon, nasagasaan ng coronavirus.
Iyong mga concert, lalo na noong mga may edad nang singers na mahina na nga ang benta ng tickets, nasagasaan rin ng coronavirus, kaya cancelled na rin. Ano pa?
Walang takot sa Virus...
Pero dito sa Pilipino Star NGAYON (PSN) at PM (Pang-Masa), tuloy ang saya ng showbiz.
Aba isipin ninyo, napakaraming taong nasa bahay lamang sa ngayon, lahat iyan naghahanap ng mababasang balitang showbiz, at tiyak sa PSN at PM nila aasahang makukuha ang mga lehitimong balita. Walang mga presscon eh, walang laman ng mga presscon stories. Wala ring mailalabas ang mga presscon bloggers.
Hindi ba ang saya-saya. At least ang mababasa ninyo ngayon ay mga lehitimong istorya na lamang talaga.
Marami pa ring tsismis at mga kuwento na ikababaliw ninyo.