Executive nagsalita sa bintang na pag-aari ng dayuhan ang Kapamilya Network

Laurenti Dyogi

Nagpahayag kahapon ng kalungkutan ang ABS-CBN executive na si Laurenti Dyogi tungkol sa pinag-uusapang pagpapasara sa ABS-CBN. Marami rin itong sinagot na isyu.

Pauna nitong sabi: “Nakakalungkot isipin na may mga taong nagnanais mapasara ang isang kumpanya na nagsisilbi sa publiko sa loob ng 65 na taon. Mas mahaba pa sa ano mang administrasyon sa ating bansa.

“Di perpekto ang ABSCBN bilang isang kumpanya pero sa loob ng mahabang panahon pilit namin pinagbubuti ang aming serbisyo sa pagbibigay ng mga programa at balita, at sa pagtulong sa kapwa. Di man lahat tumatangkilik sa ABSCBN, marami pa rin kaming napapasaya, natutulungan at nabibigyan ng pagkakataon na mapabuti ang buhay, sa likod man o harap ng kamera.

“Ba’t daw di kami lumalaban? Mag rally at makibaka? Kasi bago namin maisip yon, kailangan muna unahing gawin ang pagbuo ng mga programa sa araw-araw, dahil yun ang obligasyon namin sa aming mga manunuod,” pahayag niya.

“Madaming binabatong isyu laban sa kumpanya. Mga isyung madali naman bigyan ng linaw kung pakikinggan lang na bukas ang isip at damdamin.

“Nais namin na sa tamang lugar at panahon makapaghain ng aming mga sagot sa anumang akusasyon sa kumpanya. Umaasa pa rin kaming mabigyan man lang ng pagkakataon pakapagpaliwanag sa Kongreso.

“Pero gusto ko nang magsabi ng saloobin hinggil sa ilang mga batikos.

“DI DAW NAGBABAYAD NG BUWIS.

“Ako bilang mamamayan at empleyado ng ABS­CBN, malaking bahagi ng sahod ko ang napupunta sa gobyerno buwan buwan. Bawat isang empleyado namin ay nagbabayad ng tamang buwis dahil ang kumpanya mismo namin ay nagbabayad ng tamang buwis. Walang utang ang ABS kasi kung meron ba’t walang reklamo ang BIR? Ba’t binigyan ng parangal na isa sa top taxpayer ng bansa?

Pero sa reklamo ng BIR na ang mga POGO, 50 bilyong piso ang kulang na buwis, ba’t walang umaalma?

PAG-AARI NG DAYUHAN

“Sana alamin ng mabuti ang detalye ng PDRs bago manghusga dahil dumaan ito sa tamang proseso at aprobado ng SEC. Bakit ang mga POGO, di ba’t buong buo na  pag aari ng mga dayuhan? Ba’t walang naririnig na reklamo? Bakit kung sino pa yung kababayan, syang ginigipit?

“Nakakalungkot na nauuwi tayo sa pagkakahiwahiwalay sa panahon na may panganib ng kalamidad at epedemya. Pero kailangan isantabi ang damdamin para makapagpatuloy sa pagsilbi sa mga kababayan sa loob at labas ng bansa,” bahagi ng post ng dating direktor na ngayon ay isa sa unit head ng ABS-CBN.

 Tuloy nga ang laban ng ABS-CBN sa paghingi ng franchise renewal sa Congress at ang pagsagot sa ikinakasong quo warranto sa Supreme Court ng Office of the Solicitor General.

Show comments