Alam mo, Salve A., daig pa ni Gazini Ganados ang nanalo ng Miss Universe crown dahil hindi man niya nakuha ang korona, natupad naman ang matagal na niyang pangarap, ang makilala at makita ang kanyang biological father na isang Palestinian national.
Napakaganda ng pasok kay Gazini ng taong 2020 dahil sa nangyaring ito na ginanap sa isang branch ng Shakey’s Pizza Parlor kung saan unang nagkakilala rin ang kanyang parents nung taong 1990.
Marami ang na-disappoint nang hindi man lamang pumasok si Gazini sa Top 5 ng 2019 Miss Universe na ginanap sa Tyler Perry Studios in Atlanta, Georgia, USA kung saan ang kinatawan ng South Africa na si Zozibini Tunzi ang nanalo.
Pumasok lamang si Gazini sa Top 20.
Dapat siguro na muling sumali si Gazini sa Bb. Pilipinas at sana’y siya ang manalo to represent the Philippines sa Miss International o ibang international beauty pageants except Miss Universe. Sumali na rin siya noon sa Miss World Philippines in 2014 pero hanggang Top 13 lamang ang kanyang inabot.
At 24, malayo pa ang mararating ni Gazini sa muling pagsali sa beauty pageant.
Si Gazini ay isinilang sa Dapitan City, Zamboanga del Norte at siya’y lumaki sa pangangalaga ng kanyang maternal grandparents. Nasa Grade 4 na siya nang sila’y mag-relocate ng Talisay, Cebu.
Siya’y nagtapos ng Tourism Management sa University of San Jose – Recoletos in Cebu City kung saan din siya nakakuha ng Certificate in Health Care.
Isa sa mga adbokasiya ni Gazini ay ang elderly care ganoon din ang HIV & AIDS research.
Xia muntik bumalik sa London!
Isa nang Viva contract star si Xia Vigor who is Xiamara Sophia Bernardo Vigor in real life.
Isang British engineer ang kanyang amang si Alan Vigor at Filipina naman ang kanyang inang si Christy Bernardo. Merong elder brother si Xia na si Liam Vigor, 11 years old.
Ayon sa mommy ni Xia na si Christy, dalawang taon pa lamang daw noon si Xia at three years old naman si Liam nang magkahiwalay sila ni Alan. Napakahirap umano ng kanyang kalagayan being a single mom to two kids dahil wala siyang suporta na nakuha sa kanyang ex-husband para sa mga bata.
Sa umpisa ay meron siyang salon kung saan nagmumula ang kanyang kita. Pero nang paupahan ng kanyang dating mister ang salon, natuto na lamang siyang mag-service sa kanyang mga kakilala at kaibigan bitbit ang dalawa niyang maliliit na anak.
Ayon kay Christy, kahit malaki ang kita ng kanyang former husband pero never umano silang tinulungan nito kaya sobrang hirap daw ang kanilang naging buhay na mag-iina sa London dahil mag-isa siyang kumakayod at binibuhay ang dalawa niyang anak.
Although may karapatan si Christy na maghabol sa properties ng kanyang ex-husband pati na ang kanilang bahay, hindi na umano niya ito ginawa dahil ang kanyang oras ay nakatali na halos sa pag-aalaga sa kanyang dalawang maliliit na anak.
Hanggang nag-apply si Christy sa British government bilang isang single parent at nakakuha siya ng 70 pounds per week (about P6,000) at para sa British nanny kapag siya’y pumasok ng school.
“Sa sobrang mahal ng mga gastusin dun, hindi po talaga kasya kaya sobrang tipid ang ginagawa ko at nagse-service ako sa mga ka-klase ko ng manicure-pedicure para may additional income. Pag kulang, umiiyak na lang ako,” patuloy niya.
Law student si Christy sa Exeter University in London noon but when she got divorced ay nag-switch siya sa Film Studies at naka-dalawang taon din siya sa nasabing unibersidad. Scholar dun si Christy matapos siyang pumasa ng scholarship exams.
Bukod sa weekly allowance na natatanggap niya noon bilang single parent mula sa British government, sakop din dito ang renta ng kanilang tirahan.
Dahil nahihirapan na si Christy raising her two kids na siya lamang mag-isa sa London, nag-desisyon siyang bumalik ng Pilipinas bitbit ang dalawang bata nung 2013.
Five years old na noon si Liam at four naman si Xia.
Nung 2015, napanood ni Xia sa telebisyon sa Mini-Me 2 na segment ng It’s Showtime. Pinakiusapan ni Xia ang kanyang inang si Christy na pasalIhin siya nito. Si Xia ang nanalong grand winner ng Mini-Me 2 at kasunod na rito ang sandali niyang pagkakaroon ng segment sa It’s Showtime, ang Xia and Kuys kung saan nakasama niya sina Billy Crawford at Vhong Navarro. Kasunod na rito ang kanyang pagiging isa sa participants ng Your Face Sounds Familiar Kids in 2017 at pagiging isa sa mga kids jurors ng The Kids’ Choice in 2018.
Nung 2015 hanggang 2016 ay naging bahagi si Xia ng FPJ’s Ang Probinsyano. Kasama rin siya sa cast ng Langit Lupa in 2016.
Nung nakaraang taon naman ay nagsimula siya sa Team Yey! hanggang ngayon.
Ayon sa ina ni Xia na si Christy, ngayong malaki-laki na sina Liam at Xia ay gusto sana nilang bumalik ng London para roon na magpatuloy ng pag-aaral ang mga bata pero nabago ang kanilang mga plano nang dumating ang offer ng Viva Films na gawin ni Xia ang Miracle in Cell No. 7 bilang anak ng character ni Aga Muhlach na naging kalahok sa 2019 Metro Manila Film Festival.
“Marami pong magagandang plano para sa akin si Boss Vic (del Rosario) kaya masayang-masaya po ako pati Mommy ko,” sambit ni Xia na excited na sa kanyang magiging next project sa Viva pagkatapos ng Miracle In Cell No. 7 na siyang nanguna sa takilya sa nagtapos na 2019 MMFF.