Fil-Am comedian na si Jokoy nag-donate ng $30,000 sa Mowelfund

Jokoy

Catriona sinalisihan ang security para makalapit sa fans

Hindi tulad nang dati na basta inilalagay ang stars ng mga inductee sa Walk of Fame, nagkakaroon ng isang show pagkatapos at nagkakasiyahan na. Ngayon ang ginawa nilang ayos ay isang “invitational dinner” ang paglalagay ng stars, kasi ginawa na rin nila iyong fund campaign para sa Mowelfund. Nagpakalat sila ng envelopes, maaari kang magbigay ng donation, o magbigay ng pledge para sa Mowelfund.

Ipinaliwanag ni Federico Moreno na alam niya na ang Mowelfund lamang ang pinagkukunan ng tulong ng mga maliliit na manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon at dahil doon naisipan ng German Moreno Walk of Fame Foundation na tulungan ang samahan.

Pero maski si Federico ay nagulat dahil may nangyaring hindi niya inaasahan. Nang matatapos na ang selebrasyon, nilapitan siya ng komedyanteng si Jo Koy na isa rin sa mga inductee noong gabing iyon at nagbigay ng tseke na nagkakahalaga ng $30,000 para sa Mowelfund. Maging ang handler ni Jo Koy ay nagbigay ng $20,000 din, kaya mahigit dalawang milyong piso agad ang umakyat para sa Mowelfund.

“Ang target ko para sa Mowelfund isang milyon lang for tonight. Hindi ko inaasahan ang ginawang iyan ni Jokoy. Ngayon siguro sa lahat, aabutin ng tatlong milyon ang makukuha ng Mowelfund mula sa Walk of Fame, at ito ay ibibigay namin sa kanila immediately. Sayang nakaalis na si Tita Boots (Anson Roa), sana dala na niya ito,” sabi ni Federico nang makausap namin pagkatapos ng event.

Ito rin ang first time na may isang inductee na nagbigay ng ganun kala­king donation. Usually hindi naman nagdo-donate ang inductees kung hindi ang invited guests lamang nila sa dinner.

Si Jokoy, para sa mga hindi nakakakilala sa kanya ay isang Fil-American, dahil Pinay ang nanay niya at sikat na komedyante ngayon sa US.

Ang tunay niyang pangalan ay Joseph Glenn Herbert, at nang malaman niya na ilalagay siya sa Walk of Fame Philippines, talagang lumipad siya ng bansa. Ang nasabing induction ay covered rin ng isang international television network dahil kay Jokoy. At first time na ang Walk of Fame Philippines ay lalabas din sa international television.

Siguro kung saan man siya naroroon, nangingiti si Kuya Germs.

As expected, the best applauded inductee ay si Catriona Gray. Eh napaka-sexy naman kasi ni Catriona nang duma­ting sa Walk of Fame, at sa kabila ng mahigpit na security, siya mismo ang kumawala roon para makalapit sa fans na nasa kabila ng barrier na inilagay.

Baka magulat din kayo, isa rin sa best applauded sa mga inductee si Bro. Jun Banaag. Ang dami pala talagang followers ng kanyang Dr. Love radio show.

Marami pa sanang kuwentuhan pero umalis din kami agad dahil nararamdaman na namin ang ashfall nung Linggo ng gabi dahil sa pagsabog ng Taal Volcano. Iyong mesang inuupuan namin ang daming abo talaga, at pati sa ulo, at balat mararamdaman mo ang kapit ng abo. Sa ganoong sitwasyon, aba eh aalis ka na nga agad.

Pero ang ibang mga tao, lalo na nga ang fans, hindi nila pansin ang ashfall.

Mukhang hindi nga nila namamalayan eh kasi tilian sila nang tilian kay Catriona, na ang ginawa naman ng security ay sa likod na pinadaan dahil baka takasan na naman sila at lumapit na naman sa kanyang fans.

Show comments