FPJ tumatak sa Quiapo!

Dumami na talaga ang bilang ng mga tao ngayon. Habang nanonood ako ng TV at ipinapakita ang maraming tao sa Quiapo dahil sa Feast of the Black Nazarene, nagbalik sa alaala ko noong nag-aaral pa ako sa Mapa High School sa San Rafael at mga kaklase ko noon sina  Nova Villa at Lito Calzado.

Palagi naming hinihintay noon ang pista ng Nazareno dahil may kaklase kami na taga-Quiapo at bisperas pa lang ng piyesta, nakikikain na kami sa bahay nila.

Hindi pa ganoon karami ang mga tao na nakikita ko sa harapan ng Quiapo Church na meeting place namin kapag namamasyal kami sa Carriedo at Raon.

Tuwing recess, nagpupunta kami sa tabi ng Quiapo Church para bumili ng mga pagkain sa mga nagtitinda.

Mas malapit sa school namin ang San Sebastian Church pero mas gusto namin na pinupuntahan ang Quiapo Church  kaya shocking sa akin na halos nagbago na ang harap ng simbahan ng Quiapo  at ang Plaza Miranda na  madalas na pinagdarausan ng mga political rally.

Parang mahirap nang puntahan ang Carriedo at Raon na dating tambayan ng mga moviewriter dahil sa mga movie office sa Avenida.

Nang mapanood ko kahapon sa TV ang Traslacion, totoo nga na maraming-marami na ang mga tao sa Maynila.

Punumpuno ng mga tao ang buong paligid ng Quiapo Church na patunay na dumami na ang populasyon.

Sina Noli De Castro, Angeline Quinto at Coco Martin ang mga kilalang personalidad na deboto ng Black Nazarene.

Sumasali pa noon si Noli sa Traslacion dahil sa kanyang panata. Ganoon din si Coco, lalo na noong hindi pa siya sumisikat nang husto.

Sa totoo lang, may mga ibang artista na deboto ng Black Nazarene at nagsisimba sila sa Quiapo Church. Para hindi makilala at lumikha ng kaguluhan, nagdi-disguise sila.

Ewan ko lang kung nakapagsimba si Coco sa Quiapo Church ngayong 2020 dahil as of presstime, wala pang sighting sa kanya.

Immortalized ang Quiapo sa maraming pelikula pero wala nang tatalo pa sa Batang ­Quiapo, ang 1986 movie nina Fernando Poe, Jr. at Maricel Soriano.

Ang Regal Films ang producer ng Batang Quiapo na certified blockbuster nang ipalabas sa mga sinehan noong  October 16, 1986.

Unang movie team up nina Kuya Ron at Maricel ang Batang Quiapo. Co-stars nila sa pelikula sina Sheryl Cruz, Manilyn Reynes at Tina Paner na mga dalagita pa lang noon.

Immortalized ang Quiapo sa pelikula nina Kuya Ron at Maricel dahil kinunan sa Quiapo area ang lahat ng mga eksena.

Si Kuya Ron ang top actor noon at kasikatan din noon ni Maricel kaya may idea na kayo kung gaano kahirap mag-shooting sa isang lugar na sobrang dami ng tao.

Malaking bagay na mataas ang respeto ng lahat kay Kuya Ron. Naging smooth ang filming ng Batang Quiapo dahil naki-cooperate ang mga usisero na tahimik na nanood ng shooting.

Bukod sa unang movie team up nila ni Maricel ang Batang Quiapo, unang pelikula ito ni Kuya Ron sa film company ni Mother Lily Monteverde na maligayang-maligaya dahil gumawa ng record sa takilya ang kanilang proyekto na pinilahan at matagal na ipinalabas sa mga sinehan.

Grabe ha, talagang super throwback ako. Hay sarap, balikan ng nakaraan.

Show comments