Yam at Joseph nagsasama pa rin kahit hiwalay na

MANILA, Philippines — Posible bang makapag-move on ang magkahiwalay na mag-asawa habang magkasamang nakatira sa iisang bubong?

Ito ang kakaibang kuwentong kasalukuyang napapanood sa iWant na Uncoupling, tungkol sa isang mag-asawang susubukang maging magkaibigan at tumira sa iisang bahay pagkatapos mauwi sa hiwalayan ang kasalan – alang-alang sa nag-iisang anak nila.

Ilang taon nang sinusubukan ng high school sweethearts na sina Alex (Yam Concepcion) at Carlo (Joseph Marco) na salbahin ang kanilang relasyon at pamilya. Kaya naman bago ang anniversary nila, magdedesisyon ang dalawang buwagin ang pagsasama habang kasama pa rin ang anak. 

Magsisimulang gumulo ang lahat dahil habang nakahanap na ng masasandalan si Carlo sa bago niyang girlfriend, patuloy namang makikipag-date si Alex habang dala-dala ang sakit na idinulot ng pagkalusaw ng kanilang relasyon.

Lalong magiging kumplikado ang sitwasyon dahil kalauna’y makikialam na ang kanilang mga biyenan para masigurong magkabalikan ang dalawa.

Paano poprotektahan nina Alex at Carlo ang anak nila mula sa gusot ng kanilang samahan? Posible pa bang magkasundo ang mag-asawang nagdesisyong wala nang forever para sa kanila?

Ipinorodus ng iWant at Big Reveal Entertainment ang Uncoupling. Idinirek ito ni Dwein Baltazar, ang direktor ng iWant original series na Past, Present, Perfect?, nagsulat ng blockbuster movie na Exes Baggage, at nagwagi ng Best Director at Best Screenplay para sa pelikulang Gusto Kita With All My Hypothalamus, ang itinanghal na Best Picture sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards 2019.

Pagbabalik ni Gloria inabangan

Sinubaybayan ng mga manonood ang unang pagtatambal nina Kapuso Drama King Dennis Trillo at Primetime Princess Barbie Forteza sa award-winning GMA program na Daig Kayo Ng Lola Ko noong Linggo.

Sa month-long special na pinamagatang Sa Ilalim Ng Buwan ay gu­maganap na lobo si Dennis at isang mortal naman si Barbie.

Base sa NUTAM ratings ng Nielsen Philippines, nakakuha ito ng 11.7%. Mukhang patok sa Kapuso viewers ang tandem nina Dennis at Barbie. Bukod diyan, inabangan din nila ang pagbabalik sa programa ng veteran actress na si Gloria Romero na talagang na-miss ng loyal viewers ng programa.

Jennylyn loaded ngayong 2020

Ready na sa busy na taon ang Kapuso Ultimate Star na si Jennylyn Mercado. Sinalubong niya ang bagong dekada kasama ang kanyang minamahal na Unico Hijo na si Alex Jazz. Sa kanyang Instagram post na may caption na “2020, here we come!!!”, ipinakita ni Jennylyn ang kanilang naging simpleng selebrasyon.

Talagang magiging busy kasi ang aktres sa taong ito lalo na at may concert sila ng nobyo na si Dennis Trillo sa Pebrero at paparating na ang airing ng pagbibidahang Philippine adaptation ng Descendants of the Sun kung saan makakatambal niya si Dingdong Dantes.

Show comments