MANILA, Philippines — Para sa Star for all season na si Vilma Santos, bagama’t kumpleto naman ang kanyang pamilya, aminado siyang may lungkot siyang nararamdaman dahil hindi na nila makakapiling pa ang kanyang ina na si Mommy Mila na pumanaw na nitong taon lang din sa edad na 93. Nami-miss niya raw ito, lalo na ngayong Pasko. Ganunpaman, nagpapasalamat siya at nakasama niya ito ng matagal.
Samantala, ang inaabangan ngayon ng lahat ay kung kailan magaganap ang inaasam-asam niyang pagpapakasal ng kanyang anak na si Luis Manzano sa girlfriend nitong si Jessy Mendiola. At siyempre, pati na rin ang pagkakaroon ng apo sa dalawa.
Nora namudmod ng regalo sa taping
Umiral ang puso ng pagiging lola ni Superstar Nora Aunor nang mag-shooting ito sa Obando, Bulacan. Nakita niya kasi ang mga batang nanonood sa kanya roon at isa-isang pinahilera para bigyan ng pamasko. Dati na raw niya itong ginagawa, noon pa man.
Sana tularan siya ng ibang mga artista na mas sikat na ngayon at kumikita na ng limpaklimpak. Sana ay matuto silang mag-share sa kanilang kapwa ng walang kapalit.
Samantala, inaabangan na ng fans ang serye niyang Bilang Ang Mga Bituin kasama sina Kyline Alcantara at Mylene Dizon, directed by Direk Laurice Guillen. Ito ang sumunod niyang project pagkatapos ng serye niyang Onanay.
Coco nagpaka-Santa Claus!
Parang si Santa Claus naman daw ang aktor na si Coco Martin. Namigay din daw ito ng mga regalo sa kanyang staffs ng FPJ’s Ang Probinsyano at sa pamilya ng mga ito. Kasama rin ang stuntmen at iba pa.
Masaya ang mga stuntman ngayong Pasko dahil may trabaho sila, malaking tulong daw ito para sa kanila.
Samantala, kahapon ang umpisa ng Metro Manila Film Festival. Ibig sabihin ay maaari nang magpunta sa mga sinehan para panoorin ang mga pelikulang kasali rito tulad ng entry nila na 3pol Trobol: Huli Ka Balbon kung saan kasama niya sina Jennylyn Mercado at AiAi delas Alas.
Mapapanood din doon ang pelikulang Culion, Mission Unstapabol: The Don Identity, Write About Love, Sunod, The Mall, The Merrier, Miracle In Cell No.7 at Mindanao.