Tapatan walang epekto
Nakakatuwa naman na binati ng Umagang Kay Ganda hosts ng happy anniversary ang mga host ng Unang Hirit.
Rival programs ang Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN at ang Unang Hirit ng GMA 7 pero hindi naman sila apektado ng magkatapat ng timeslot ng kanilang mga early morning television show.
Gumawa ng video greeting ang mga host ng Umagang Kay Ganda para sa Unang Hirit cast na magdiriwang ng 20th anniversary sa Biyernes, December 6, 2019, isang patunay na magkakaibigan sila, kahit magkakalaban ang kanilang mga programa.
Sobrang thankful si Arnold Clavio at ang Unang Hirit gang sa pagbati na natanggap nila mula kina Anthony Taberna, Amy Perez, Jorge Carino at sa ibang mga host ng Umagang Kay Ganda.
Hindi ako magtataka kung sakaling batiin din ng Unang Hirit gang ang mga host ng Umagang Kay Ganda kapag ito naman ang nagdiwang sa telebisyon ng kanilang anibersaryo.
GMA party for the press hindi napigilan ng bagyo
Ang bongga ng GMA 7 dahil rain or shine, itinuloy nila kahapon ang kanilang Christmas party para sa entertainment press.
Mabuti na lang, hindi masyadong malakas ang ulan at ang hangin sa Metro Manila kaya napuntahan pa rin ng entertainment writers ang Christmas party na matagal nang pinaghandaan ng Kapuso Network management.
Nanalanta kahapon si Typhoon Tisoy sa Bicol, Samar at Quezon pero parang iniwasan niya ang Metro Manila na nakuha yata sa taimtim na dasal dahil nung bandang hapon ay nabawasan naman ang lakas ng ulan.
Bela sinusuwerte
Dalawa ang pelikula ni Bela Padilla para sa December 2019, ang Mañanita na magbubukas ngayon sa mga sinehan at ang Miracle in Cell No.7 na official entry ng Viva Films sa 45th Metro Manila Film Festival.
Lucky girl si Bela dahil magaganda ang mga project na ginagawa niya. Siya ang bida ng Mañanita na emotionally challenging dahil sa kanyang sniper role at anak naman ni Aga Muhlach ang karakter niya sa Miracle in Cell No. 7.
Direk Darryl nakatapos na ng bagong pelikula
Natapos na pala ang shooting ng Tililing, ang comedy movie na pinagbibidahan nina Gina Pareño, Baron Geisler at Donnalyn Bartolome.
Marami ang nagulat nang malaman nila na tapos na ang shooting ng Tililing dahil parang kailan lang nang magkaroon ito ng story conference.
Ito ang second movie assignment ng young director na si Darryl Yap na nagpakitang-gilas sa Jowable.