Natawa kami sa isang tanong, bakit daw ba ang mga artista noong araw, better looking kaysa ngayon. Noon daw kasi basta sinabing artista, talagang hahanga ka sa hitsura. Ngayon hindi na.
Ganoon din naman noon, kaya lang ang masyadong nape-play up iyong mga bida na siyempre may hitsura iyan kaya bida. Ngayon kasi iba na eh, may ginagawa ng pelikula na kung tawagin ay “indie” na iba rin naman ang artista. Kasi hindi nila kaya ang talent fee ng mga malalaking artista. Kumukuha sila nang mas mura ang talent fee basta mahusay ding umarte, hindi nga lang ganoon ang hitsura.
Kung pogi, o maganda talaga, makikita ba ninyo iyan sa indie? Hindi siyempre dahil kukunin iyan sa mainstream. Tingnan naman ninyo sa indie, maraming nanalo ng award at magagaling hindi naman sumikat kasi ang hitsura hindi kagaya noong karaniwang hinahangaan ng fans.
At isa iyan sa dahilan kung bakit hindi kumikita ang indie. Ang mga artista nila walang fans.
Ang mas nakakatawang tanong, “napakaganda po ng anak ni Aga Muhlach sa totoong buhay, iyong si Atasha, bakit iyong kinuhang anak niya sa pelikula hindi ganoon kaganda”. Eh iyon ang nakuha nila eh, iyon lang ang kaya ng budget, iyon ang available. Hindi naman malaking bagay iyon dahil isang eksena lang, iyong nag-suicide at nakita lang sa cellphone video. Hindi malaking issue iyon. Pero sa totoo lang ang fans talaga naghahanap ng may hitsura.
Bakit mas sikat si Liza Soberano kaysa kay Therese Malvar? Bakit mas pinanonood si Sunshine Dizon kaysa kay Irma Adlawan? Bakit halos nakokopo ni Daniel Padilla ang lahat ng fans? Siguro naman ngayon alam na ninyo ang sagot. Hindi na kayo magtatanong sa amin.
Bianca mas matalino
Kung iisipin mo, mas matalino talaga si Bianca Umali. Matapos ma-tsismis na muntik na niyang sagasaan si Ruru Madrid doon sa parking lot ng isang mall, hindi na siya kumibo o nagbigay ng anumang statement. Para na naming na-imagine eh, kung iba ang pinagbintangan nang ganyan, lalo’t ang dahilan daw ay matinding selos, malaking gulo iyan.
Pero si Bianca Umali, hindi nagsalita. Matalino eh.
Ang nagsalita at nagsabing walang ganoong pangyayari, at lahat ng nagsabi nang ganoon ay sinungaling, si Ruru Madrid. Ngayon tingnan ninyo, flop na ang pelikula binabanatan pa.
Siopao at siomai planong i-loveteam?
Hindi totoo ang pra la la na excited daw ang isang male star sa paglipat ng isang female starlet sa kanilang network. Siguro may nagsisimula lang ng tsismis para pakiramdaman kung puwede silang magka-love team. Pero aywan kung mangyayari pa iyon kung maririnig nila ang mga comment na “ok namang magka-love team sila. Para lang siopao at siomai”.
Aba puwede rin naman hindi ba? Kasi kung walang mami, puwede na rin ang siomai soup na isabay sa pagkain ng siopao. Ginagawa namin iyan noong bukas pa ang Ma Mon Luk sa Quiapo. Masarap din naman, pero kung love team ang siopao at siomai, iyon ang hindi ko alam.
Sanay naman silang kumuha ng walang pag-asang mag-rating eh.