Nagkamalay yata kami at lumaki sa isang tahanan na ang lahat halos ay mga tagahanga ni Amalia Fuentes. Mula sa aming mas nakatatandang pinsan, kapatid, at maging ang aming kasambahay noong si Bining at nang malaunan ay si Elsa, ay puro fan ni Amalia. Nakakagisnan namin sila at nakakatulugan na ang pinagkukuwentuhan ay si Amalia. Nasanay na kaming may dala silang magasin na ang cover si Amalia. Kaya nga wala yata kaming natatandaang artista noong bata pa kami maliban kay Amalia.
Una naming napanood si Amalia sa isang pelikula na ang title ay The Big Broadcast. Hango iyon sa programa sa radyo ng CBN na pinakikinggan nila tuwing Linggo ng gabi. Ang haba ng pila sa Life Theater, dahil magkasama sa pelikulang iyon sina Amalia at Susan Roces. At sa loob, ang kanilang mga fans ay palakasan din ng sigaw at palakpak tuwing lalabas sila sa screen.
Madalas nila akong isinasama sa panonood ng sine noon, pero siyempre ang lagi nilang bilin ay “huwag kang magtuturo” na ibig sabihin huwag magpapabili ng kung anu-ano. Hindi naman kami nagtuturo, basta bago pumasok ng sinehan, ibibili kami ng softdrinks, crackers na Saltine at Milkyway na paborito namin. Mura pa noon. Iyong softdrinks ay kinse, iyong Saltine ay diyes, at iyong Milkyway trenta y singko sentimos. Ang bayad sa sine, uno bente. Hindi na kami maiinip at magyayayang lumabas ng sinehan.
Maraming pelikula ni Amalia ang napanood namin. Ang natanim sa aming alaala ay iyong Prinsesang Kalapati, Santa Teresa de Avila, Amaliang Mali-mali at iba pa. Wala kaming napapanood na pelikulang Pilipino maliban sa pelikula ni Amalia.
Tatlong ulit naming napanood sa Ever Theater iyong Sound of Music. Basta may pelikula si Elvis Presley isinasama naman kami ng ermat namin sa panonood. Pumila rin kami sa Galaxy para mapanood ang Ten Commandments. Pero basta Tagalog talaga, laging si Amalia Fuentes ang bida.
Si Amalia Fuentes din ang aming naging standard ng isang magandang babae. Basta hindi kamukha ni Amalia, hindi maganda iyan. Ganoon ang nakalakihan naming buhay.
Natatandaan namin ang aming kasambahay noong si Bining, nagkukuwento pa na sina Amalia at Juancho Gutierrez ang nanalo sa contest na Mr. and Miss Number One, kaya sila pinagtambal sa pelikulang Movie Fan. Kahit noong araw, alam namin na ang tunay na pangalan ni Amalia ay Amalia Muhlach, at ipinagmamalaki ng kasambahay naming si Elsa na kagaya niya, siya ay mula sa Bicol. “Maraming magaganda sa Bicol,” madalas sabihin ni Elsa, pero siya hindi maganda.
Noong mabagsak kami sa trabahong ganito, nasanay pa rin kaming pinanonood ang lahat halos ng mga pelikula ni Amalia.
Nagtiis kami sa napakahabang pelikulang Aguila na ginawa ni Eddie Romero, dahil bida nga si Amalia na gumanap na asawa ni Fernando Poe, Jr.
Marami kaming alaala tungkol kay Amalia, pero kahapon ng umaga, mga alas-kwatro, pumanaw na siya sa edad na 79 sa St. Lukes Hospital kung saan siya isinugod mga apat na araw na ang nakararaan nang magkaroon ng seizure. Multiple organ failure raw ang ikinamatay niya.
Si Amalia ay hindi lamang isang superstar. Siya ay nagpasimula ng isang clan na nagkaroon ng ilan pang superstars. Naging child wonder ang anak ng kapatid niyang si Alex, si Niño Muhlach. Naging isang superstar din naman ang anak ng kapatid niyang si Cheng, na si Aga Muhlach. At ngayon, ilan nga bang artista pa mayroon na nagsimula sa angkan ni Amalia Amador Muhlach, ang Miss Number One.
Ipanalangin natin na sana, masumpungan niya ang kapayapaang walang hanggan sa langit, kung saan mananatili siyang nagniningning kasama ng mga bituin.