Ibang rides sa Star City nakaligtas sa sunog!

Susubukan uling buksan bago mag-Pasko

Nagising kami sa sunud-sunod na tawag sa telepono dahil sa balitang nasusunog ang Star City. Nagsimula ang sunog sa ganap na 12:20 ng madaling araw mula sa stock room ng isang tenant na naglalaman ng stuffed toys. Dahil puno nga ng bulak at mga tela, mabilis na kumalat ang apoy.

Sinikap ng fire marshalls ng park na apulahin ang sunog, subali’t mabilis nga iyong lumaki. Mabuti naman at naging mabilis ang pagdating ng mga bumbero at mga pulis na tumulong upang mapanatili ang kaayusan.

Sa panig ng Star City, ipinagpapasalamat naman nila na walang nasaktan sa nasabing sunog. Halos 80 percent ng park ang nasunog. Damaged ang mga indoor rides, ganoon din ang Snow World. Ang malalaking rides namang nasa labas ay hindi inabot ng apoy.

Nakaligtas sa sunog ang giant wheel, ang Star Flyer, iyong Surf Dance, Wild River at ang Star Freezbie. Naroroon pa rin ang Grand Carousel na hindi nadikitan ng apoy.

Ayon sa management ng Star City, gagawa sila ng assessment sa tulong ng mga safety at structural engineers upang makita kung ano nga ba ang magagawa para mai-rehabilitate ang park. Sinasabi nilang bubuksan nila ang park sa oras na maayos na ang lahat at dumating ang bagong rides na magiging kapalit sa mga nasira.

Sinasabi nilang hindi ang karagdagang lugi dahil sa pagsasara ng park ang kanilang gustong mabawi kung hindi lalo na ang alalahaning magkapagdulot ng isang masayang Pasko lalo na sa mga bata. Depende sa sasabihin ng mga structural at safety engineers, pipilitin nilang muling mabuksan ang isang mas magandang Star City para tiyakin ang kasiyahan sa Pasko.

“Ang higit na mahalaga para sa Star City ay iyong commitment lalo na sa mga bata na dito ay magkakaroon sila ng mas masayang Pasko,” sabi ni Jolli Macuja ng Star Parks Corporation.

Pasyalan rin ng mga sikat na artista...

Ang Star City ay naging paboritong pasyalan hindi lamang ng mga karaniwang Pilipino kung hindi maging ng mga artista. Madalas na makita riyan noon si Maine Mendoza kasama si Arjo Atayde bago pa man nila kumpirmahing magsyota na nga sila.

Lahat din halos ng mga top rater television series ay nakapag-taping na sa Star City. Kabilang sa mga artistang nag-shooting na riyan ay ang yumaong hari ng pelikula na si Fernando Poe Jr.

Sinasabi nga nila, maraming memorable moments na mahirap makalimutan sa Star City na  dahil diyan pagsisikapan pa rin ng mga may-ari na muling maibalik iyon sa lalong madaling panahon.

Ang mahalaga lang ay ang kaligtasan ng guests, kaya sisiguruhin nilang ang lahat ay mailalagay nila sa ayos. Sinasabi nila na maski na ang Snow World ay maaaring mabuksan din agad dahil hindi naman nadamay sa sunog ang snow making machine na ginagamit noon. In fact, darating din agad ang inventor ng Snow World na si Thomas Choong para muling simulan ang naiiba at pinakasikat na winter attraction ngayon sa Pilipinas.

Umaasa rin kami na mabubuksan nga agad ang Star City dahil alam naming hindi magiging pareho ang Pasko ng maraming mga bata kung wala ang Star City.

Show comments