Pinakamaganda na marahil at pinakamatagumpay na singing competition ang idinaos para sa napakamatagumpay na segment ng programang It’s Showtime na Tawag ng Tanghalan. Hindi lamang ito namayani sa TV nung Sabado ng hapon, nag-trending pa rin ito worldwide lalo na sa huling tapatan ng top 3 grand finalist na sina Elaine Duran na tinanghal na season 3 winner at ng runners up niya na sina John Mark Saga, 2nd placer, John Michael dela Cerna, 3rd placer.
Hindi naman ito kataka-taka dahil talaga namang naging maigting ang labanan ng tatlo, umarangkada lamang sina Elaine at John Mark laban kay John Michael sa pangalawang paghaharap nila dahil sa ganda ng mga kanta na pinili nila.
Napag-iwanan siya ng dalawa niyang kalaban dahil medyo hindi familiar ang pinili niyang songs. Sana singganda ng Bed of Roses ang dalawa pang songs na binanatan niya. Tinalo siya ni Duran sa rap number nito at ni John Mark sa kagalingan nitong itaas ang kanyang boses.
Napakaliit ng Caloocan Sports Center para sa isang event na tulad ng Huling Tapatan ng TNT, mainit din, walang electric fans at natakpan ang aming view ng mga nakatayong production people, events marshals at patung-patong na equipment ng production.
Sayang at hindi naalalang bigyan ng mas magandang lugar ang media dahil lilima lang naman kami. In fairness, hinanapan kami ng magandang lugar ng PR manager na si Aaron Domingo pero, puno na ang venue nang dumating kami.
Panahon ang Huling Tapatan para rumampa ng ilang ulit sa stage ng mga miyembro ng hurado suot ang mga naggagandahang nilang gown. Si Zsa-zsa Padilla, meron pang kapa, stunning din ang anak niyang si Karylle, ganun din sina Jolina, Karla, Jaya, Kyla at Kaye. Pero bakit wala si Louie Ocampo? Andun ang lahat, Gary V., Ogie, Mitoy, Erik, Randy, Jed & Billy, Louie was nowhere to be found.
Iisa lamang siguro ang designer nina Jhong Hilario at Vhong Navarro dahil iisa lang ang istilo ng mga suit nila, mas maganda lang yung black & white suit ni Vhong. As usual maganda si Anne Curtis sa kanyang mga suot, but of course, patatalo ba sa kanila si Vice Ganda?
Sa aming interview with the top 3 makatapos ang pagtatanghal, sinabi ni John Mark na hindi na muli siyang sasali sa TNT. Tama na sa kanya ‘yung dalawang season na pakikipaglaban. Si John Michael ay babalikan ang kanyang pag-aaral, nakakaisang taon na siya sa kursong entrepreneurship. Si Elaine ay wish na makapag-showbiz. Siya ang nag-areglo ng isa sa ipinansali niya sa huling tapatan. ‘Yung pagsipol niya ay recent discovery lamang niya.
Maja mas busy na sa pag-arte kesa sa pagsasayaw
Kasabay ng The Killer Bride ay bibida si Maja Salvador sa isang original series ng TFC na Hinahanap-Hanap Kita kasama ang ilan niyang co-stars sa TKB. Masyadong abala si Maja sa kanyang pag-arte kaya absent siyang madalas sa kanyang pagsasayaw sa ASAP. Pagkakataon na nito para sa mga nag-aambisyong palitan siya bilang reyna ng sayawan sa TV, lalo na sa ASAP.
The Clash kakaiba ang proseso
First time ko naman mapanood ang The Clash ng GMA. Na miss ko ito nung season 1 na nakapagtataka dahil mahilig ako sa mga singing competitions.
Kakaiba ang paraan ng ginagawang process of elimination. Dito, parang hindi masyadong mahirap dahil isa lamang ang kailangang matalo ng isang contestant para makapasok at makaupo sa isang seat of importance.
Hindi ko lang tiyak kung ang ginaganap sa kasalukuyan ay isa lamang audition on air pero, kakaiba ang proseso na umiiral. Marami ang naiinspire na sumali dahil hindi intimidating ang mga hurado.
Mahusay si Lani Misalucha, hindi mataray si Christian Bautista pero, AiAi delas Alas reminds me of Vice Ganda with her costumes. ‘Di mo siya pwedeng hindi pansinin.
Parang medyo mamomroblema na ang nagbibihis sa kanya kapag nagtagal ang paligsahan dahil kailangang pangatawanan niya ang kanyang looks hanggang sa katapusan ng pakontes.