Masaya at very memorable ang kuwento na narinig ko tungkol sa 50th wedding anniversary celebration nina Senate President Tito Sotto at Helen Gamboa na ginanap sa Solaire Resort and Casino noong September 22, 2019.
Ang mga miyembro ng pamilya at malalapit na kaibigan ang invited sa memorable event sa buhay nina Tito Sen at Helen.
Kinaiinggitan ang mag-asawa dahil umabot sa 50 years ang relasyon nila.
May sinabi ang mga anak nina Tito Sen at Helen na never nila na nakita na nag-away ang kanilang mga magulang.
Beterano na ang mag-asawa sa showbiz pero wala rin tayong narinig na nagkaroon sila ng marital problems dahil sweet na sweet ang dalawa kapag napapanood natin sa TV.
Maganda rin ang pagpapalaki nila sa kanilang apat na anak na magagalang at mababait.
Talagang ginampanan ni Tito Sen ang pagiging haligi ng tahanan at successful naman si Helen bilang ilaw ng kanilang tahanan.
Superstar si Helen nang magtanan sila ni Tito noong September 21, 1969 at pati sa ibang bansa, sikat siya pero nagawa niya na talikuran ang fame para mag-concentrate sa pagiging ina.
Combo player si Tito Sen nang ligawan at itanan niya si Helen pero kita n’yo naman kung nasaan na siya ngayon, mula sa pagiging musician, comedian, television host, Vice Mayor ng Quezon City at senador, senate president na siya ngayon.
Si Helen ang dapat tularan ng ibang mga aktres ngayon na may mga asawa na taga-showbiz din. Huwag sila na manghinayang na talikuran ang fame and future dahil panandalian lamang ito. Hindi kagaya ng pagkakaroon ng isang masaya na pamilya na pang-forever.
Kunsabagay, hindi nag-iisa sina Helen at Tito Sen. May ilang showbiz couple na successful ang marriage dahil pinili ng babae na maging housewife para alagaan ang kanilang mga anak at paglingkuran nang husto ang asawa niya.
Gabay Guro masayang nairaos
Congrats kay Chaye Cabal-Revilla, ang chair ng Gabay Guro ng PLDT dahil successful ang grand gathering nila sa Mall of Asia Arena noong Linggo, September 22, 2019.
Nag-enjoy nang husto ang mga teacher dahil sa mga bonggang raffle prizes na napanalunan nila at star-studded na entertainment.
Umalingawngaw sa MOA ang malakas na palakpakan at hiyawan nang mag-perform ang mga ex-couple na sina Martin Nievera at Pops Fernandez, Gabby Concepcion at Sharon Cuneta.
Naloka naman sila kay Jed Madela na palaging maaasahan kapag sa biritan sa kantahan ang usapan.
May reason para matuwa ang mga teacher na isa sa mga tunay na bayani ng bayan dahil minsan lang sila nakakapanood ng show na mga sikat na personalidad ang performers.
Hindi madali na pagsamahin sa isang event ang mga artista ng Kapamilya at Kapuso pero nagawa ito ni Mama Chaye at ng staff ng Gabay Guro.
Mula 2 pm hanggang 10 pm ang show na tinampukan nina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Zsa Zsa Padilla, Kuh Ledesma, Christian Bautista, Piolo Pascual, Wally Bayola, Jose Manalo, Dimples Romana, Ruby Rodriguez, Aegis, Ian Veneracion, Luis Manzano at ang BakClash ng Eat Bulaga.
Umuwi ang mga teacher na may baon na ngiti sa labi dahil sa parangal at pagpapahalaga sa kanila ng Gabay Guro at noong Linggo pa lang, looking forward na sila sa next Gabay Guro sa 2020 na tiyak na star-studded din.