DZMM anchors nagbigay ng pahayag sa SOGIE Bill at Divorce
Nakaharap namin noong isang araw ang mga anchor ng DZMM na sina Dr. Love o Bro. Jun Banaag, Dra. Bles Salvador, Atty. Claire Castro at si Mare Yao.
Bihira yung ganyan na ang kaharap mo ay masasabi mo ngang cross section ng lipunan, kaya sinamantala naming tanungin ang opinyon nila sa pinag-uusapang issue ng SOGIE bill.
Natural, si Bro. Jun, bilang isang Dominican brother ay hindi pabor dito.
“Ako wala akong against sa mga gay. Marami akong kaibigang gays. Maraming nakikinig sa programa ko na kabilang sa LGBT. Pero ang paniwala ko, iyong lalaki ay lalaki. Hindi maaaring iyong lalaki ay tanggapin ko bilang isang babae.
“Matagal na yan, wala naman tayong nagiging problema sa mga bagay na yan at hanggang ngayon wala akong nakikitang problema, maliban na lang kung may ibang agenda.
“Iyong comfort room, simpleng issue iyon pero halimbawa ang misis ko nasa loob ng comfort room, tapos may papasok na lalaki roon. Hindi ko yata matatanggap iyon. Igalang natin ang LGBT pero igalang din naman ang karapatan ng isa’t isa.
“Hindi issue sa akin yan, pero hindi mo ako maaaring sabihang tawaging “maam” si Vice Ganda. Lalaki siya kaya natural ang itatawag ko sa kanya sir,” sabi ni Bro Jun.
Sa opinion naman ni Dra. Bles, sinasabi nga niya na ang transwoman, biologically hindi naman nababago. Naooperahan nga, napapalitan ang outside appearance ng kanilang genitals, pero ang transwoman ay “walang matris” kaya hindi mo masasabing ganap siyang babae.
Maganda naman ang punto ni Atty. Claire. Sabi nga kasi niya ang isa sa iginigiit na punto ay iyong same sex marriage dahil sinasabi ngang gusto rin nilang magkaroon ng proteksyon ang kanilang partner. Iyong properties nila nagiging problema kung namatay na ang isang partner.
“Pero kahit na walang same-sex marriage, may magagamit na silang batas kaugnay ng kanilang properties. Maaari silang mag-deklara ng co-ownership at pinapayagan iyan ng batas.
“Maaari rin namang ang isang partner o silang dalawa ay gumawa ng kanilang last will, at sabihin doon na ang gusto nilang magmana ng kanilang properties ay ang kanilang partner. Kaya hindi rin totoong malalagay sa alanganin ang properties nila kung mawala ang isa,” sabi niya.
Si Mare Yao, na siguro sa apat ay mas may liberated mentality dahil sinasabi nga niya pabor siya sa divorce, mukhang umatras sa SOGIE Bill at sa same-sex marriage.
Actually iyan ang nakakatuwa sa mga anchor ng DZMM eh. Nagkakaiba-iba sila ng opinion sa issues, pero kung pag-aaralan mong mabuti, makikita mo na tama ang kanilang sinasabi at mas mabubuksan ang isipan mo tungkol sa mahahalagang issues.
Isa pa, ang naririnig mo ay hindi propaganda ng isang grupo lamang kung hindi isang malayang opinion ng taong may background naman sa pinag-uusapan.
Actually talagang nakikinig kami kay Dr. Love. Kung maagang nakakauwi, naaabutan pa rin namin sina Atty. Claire at Mare. Yung DZMM news naman kasi, sa cellphone lang nakukuha. Dapat naka-live na rin ang broadcast talaga ng DZMM.
Ang DZMM na sinasabi nilang 65 years na, noong araw ay music station yan. Naging isang public service news station na lang yan nang muling buksan ang ABS-CBN pagkatapos ng EDSA revolution noong 1986, kaya sa bagong format, 33 years pa lang sila. Iyong Radyo Patrol noong araw, nasa DZAQ ng ABS-CBN din naman. Just for your info.
- Latest