Ate Vi hindi na nakakasipot sa mga ganap sa showbiz
Nagulat kami sa isang message na ipinadala sa amin sa pamamagitan ng social media. Ang tanong niya, “maaari bang itanong kay Ate Vi kung talagang gagawa pa siya ng pelikula o hindi na? Kasi ang tagal na naming naghihintay. Maski na sa mga showbiz gatherings hindi siya dumadating. Hindi na siya nakikita ng kanyang fans.”
Maliwanag namang sinabi ni Congresswoman Vilma Santos na hinahanap din niya ang kanyang pagiging isang artista. Diyan siya nagsimula eh. Hindi rin naman maikakaila na kaya naging madali sa kanya ang pagpasok sa pulitika ay dahil na rin sa kanyang involvement at image noon pa mang siya ay isang aktres.
Ang nagiging problema nga lang na kung minsan ay hindi rin maintindihan ng kanyang fans ay iyong tungkulin niya sa gobyerno ay hindi basta trabaho lamang, kung hindi isang sinumpaang tungkulin. Hindi iyan kagaya ng ibang trabaho na kung meron kang hindi magagawa ay paaalisin ka lang. Bilang opisyal ng gobyerno, basta meron kang hindi nagawa, maaari ka pang kasuhan.
Iyon ang dahilan kung bakit sinisiguro muna ni Ate Vi na matatapos niya ang lahat sa kanyang sinumpaang tungkulin, at oras na magkaroon naman ng panahon, mahaharap na nga niya iyang pelikula.
In fact napakaraming plano ni Ate Vi. Hindi naman niya inisip na magiging artista lang siya habang panahon. Gusto rin niyang makapag-direct ng pelikula. Gusto rin niyang makapag-produce para mas makatulong sa industriya, pero iyan ay kailangang gawin niya sa tamang panahon.
Iyon namang hindi niya pagsipot sa mga okasyon, may mga mas naunang commitment na nasagutan na si Ate Vi, kaya nga hindi siya makasagot eh. Hindi ba tama lang naman na kung ano ang mas naunang nasagutan, at kung ano ang mas mahalaga iyon ang unahin?
MayWard kinakabog na ang KathNiel at LizQuen?!
Sino ang sikat? Maniniwala ba kayo sa sinasabi sa social media?
May isang napakagandang halimbawa, noong isang gabi ay nagkaroon ng isang television network function at kasabay noon gumawa sila ng isang poll sa isang social media platform. Natawa na lang kami sa resulta ng poll. Lumabas na pinakamaraming boto iyong team noong Maymay Entrata at Edward Barbers. Pumangalawa lamang ang box-office record holders na sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Pangatlo lang sina Liza Soberano at Enrique Gil. Hindi ba maliwanag pa sa sikat ng araw? Iyang mga nakikita ninyo sa social media, puro gawa lang ng trolls. Hindi totoo iyan.
Pagawin nga ninyo ng pelikula ngayon na bida iyang MayWard na iyan kung hindi ang kikitain mas masahol pa sa indie.
Aktor mas lalong pumangit kahit inlove na inlove!
Kung kailan sinasabing inlove, parang mas pumangit pa ngayon ang isang male star. Kaya nga pinagtatawanan ngayon ang kanyang dyowa, kasi sinasabi ng fans, tinalikuran ang mas pogi at ang pinili ay kung sino iyong mukhang isdang tunsoy.
Hindi naman talaga pogi iyang male star na iyan kahit na noong una pa, pero ewan nga ba kung bakit ganoon ang hitsura niya ngayon. Mas pumayat at mas mukhang matanda. Aba bakit kaya hindi siya kumunsulta sa mga doctor na makakatulong na ayusin naman ang kanyang mukha?
- Latest