Alden maraming beses na-reject bago sumikat
Rejected sa sinalihang artista search noon si Alden Richards pero sinugalan siya sa unang series na Alakdana at hindi nagtapos doon ang pagtanggi sa kanya ng ibang leading lady na makasama siya sa isang series.
Hindi naman nagsawa ang Kapuso executives na pagtiwalaan siya at nang gawin niya ang Hello Love Goodbye, bumango nang husto ang pangalan niya bilang bankable leading man at magaling na aktor.
Sa renewal ng contract signing niya bilang Kapuso artist kahapon, ano ang gusto niyang iparating sa mga artistang ito sa pagtanggi sa kaniyang makasama?
“Wala naman po. Nakagawa sila ng decision na ganyan at kung totoo man in a way na may rejection sila pagdating sa akin, choice na po nila po ‘yan. Dito sa industriya natin, naniniwala ako na walang pilitan. Kung ayaw nila sa akin, okay lang po sa akin.
“Kasi ako naman po, I always give people other chances. Hindi po ako nagbi-burn ng bridges.
“At kung ‘yun man po ang naging choice nila, okay lang po sa akin. Sarili naman po nila ‘yung desisyon. Wala naman po akong magagawa,” pahayag ni Alden nang humarap sa press matapos ang contract signing sa home network.
Nakakatikim pa ba siya ng rejection ngayon eh mabangung-mabango ang pangalan niya?
“Hindi na po ngayon, Tito!” deklara ng Pambansang Bae.
Sinu-sino ba ‘yung nag-reject sa kanya?
“Huwag na po, Tito!” pakiusap niya.
Ano ang gusto niyang sabihin sa mga taong ito?
“Nagpapasalamat po ako sa kanila dahil kung hindi sa kanila, hindi ako magkakaroon ng lakas ng loob na gumawa ng mga bagay na sobrang laki ng risk at stake!” deklara ni Alden.
Sa projects na haharapin, may pinaplanong international collaboration si Alden, malaking concert sa 10th anniversary niya sa showbiz at ang coming series niyang The Gift.
- Latest