MANILA, Philippines — Muling naungkat ang isyu ni Ryle Santiago sa kanyang tunay na amang si Junjun Santiago nang humarap ito sa movie press kamakalawa ng hapon para sa renewal of his contract sa Megasoft Hygienics, Inc. kasama ang stepdad niyang si Chris.
Kasama ni Ryle at ni Aileen ?Choi-Go ng Megasoft si Chris na pumirma ng kontrata dahil siya ang tumatayong manager ng 20-year old Hashtag member.
Bale pangalawang taon na itong ini-endorse ni Ryle ang Cherub Baby Care Products, at tuwang-tuwa naman si Aileen dahil maganda ang sales ng mga produkto nito at very cooperative si Ryle sa pagpu-promote nito sa iba’t ibang probinsya.
Doon ay nilinaw ni Chris na Santiago na talaga ang dadalhing apelyido ni Ryle dahil iyon ang legal name nito.
Nagkaroon lang kasi ng confusion dahil Ryle Santiago ang screen name niya pero Ryle Tan ang ginagamit niya sa mga social media accounts niya.
Sinabihan na ni Chris si Ryle na Santiago na ang gamitin niya sa lahat kahit gustung-gusto nitong gamitin ang Tan.
“Kasi, that’s only a name. Ang importante sa akin yung nasa puso ko.
“Sinabi ko naman na anak ko naman siya,” pakli ni Chris.
Gusto sanang i-adopt ni Chris si Ryle nung 7 years old pa lang ito, pero hindi raw pumayag si Jun.
Ipina-tattoo na lang ni Ryle ang ‘Tan’ sa may kamay niya para meron naman daw Tan sa kanyang katawan.
“Nag-decide ako na magpa-tattoo ng Tan, at least kahit somewhere bitbit ko yung pangalan,” pakli ni Ryle.
Three years old pa lang daw siya, ay ang Daddy Chris na raw ang nag-alaga sa kanya at lumaki raw siya sa pagmamahal ng kanyang stepfather. Kaya never daw siyang naghanap ng pagmamahal ng isang ama, dahil ibinigay naman lahat iyun ni Chris.
Hindi itinago ni Ryle ang sama ng loob niya sa kanyang tunay na ama at sinasabi niyang sana ang ama na raw niya ang gumawa ng hakbang na magkaayos sila.
Magkasama sila sa ABS-CBN at parang hindi mag-ama ang turingan nilang dalawa na minsan nga ‘Sir’ pa ang tawag niya sa kanyang Papa Junjun.
Wala raw balak si Ryle na lumapit at makipag-ayos sa tunay niyang ama. Sana raw mag-effort din naman daw si Junjun na lumapit at makipag-usap sa kanya nang mabuti.
“Para sa akin siguro siya naman, kasi wala naman akong ginawa. Naipit lang naman ako sa crossfire. Ako pa ba yung gagawa ng paraan para makipag-ayos?
“I’m not saying na hindi kami maging okay. I’m just saying na show me naman na okay tayo.
“Kahit papano may pride pa rin ako nang konti para sa sarili ko. Pero yung sobrang taas na pride ko dati, binaba ko na lang yun. Yung konti na lang…yun na lang talaga eh. Nakasara yung pinto, pero puwede siyang bumukas,” pahayag ni Ryle pagkatapos niyang pumirma uli ng kontrata bilang endorser ng Cherub na ginanap sa Oriental Palace sa Quezon City.
Sabi naman ni Sherilyn, hindi na raw nila pinapakialaman ang desisyon ng kanyang anak.
Twenty years old na raw ito at alam na raw niya ang buong kuwento at makapag-decide na ito kung ano ang gusto niya. Never daw niya pinipigilan o tinuturuan si Ryle kung ano ang gagawin, at wala naman daw silang itinatago sa kanya.
“I think its between the two of them already. Kasi…with me and Ryle naman and si Chris, we’ve been honest with him from the very start. So, there’s nothing for us to hide to Ryle. Alam na niya ang sitwasyon and all.
“Siguro ang maganda, magkaroon sila ng chance na makapag-usap. Kasi, yun din naman ang sinasabi namin sa kanya na kung imbitahin ka, go,” maingat na pahayag ni Sherilyn.
Sabi naman ni Chris na sana raw makarating kay Junjun; “Siguro, he just be a father. Kasi, no matter what anak niya eh. So, just be a father.
“Sa akin, kasi if you’re a father, huwag ka nang matakot. Kung na-reject ka at least you tried. So, at least yung anak mo naramdaman niya na you’re trying.
“Hindi ko siya dyina-judge or anything. Baka nandun lang siya sa point na gusto niya, pero hindi lang niya alam kung ano ang gagawin.
“If you wanna reach out to your son…if you wanna have that relationship na maski papaano ma-save.”
Hangad ni Sherilyn na maayos na ito dahil ayaw naman daw niyang makadagdag pa ito ng bigat na dinadala ng anak niya.
“Gusto ko lang naman na maging at peace din siya. If there’s something that’s bothering him, sana makapag-usap sila o ano.
“He has something to say to him na hindi pa niya naipaparating. I think that’s easy because they see each other at work,” seryosong pahayag ni Sherilyn.
Mike feel na feel ang daddy roles
Napag-usapan na rin lang ang pagiging Tatay, ramdam na ramdam na
ngayon ni Mike Tan kapag gumaganap siya bilang isang tatay sa soap dahil isa na siyang ama.
Tuwang-tuwa si Mike na kinukuwento sa aming nine months na ang baby girl niyang si Victoria at isa ito sa nagpapangiti sa kanya kapag napapag-usapan na ang kanyang anak.
Malaking bagay daw ang pagkakaroon ng anak para maramdaman na niya at nagampanan nang mabuti ang role ng isang ama.
Isang ama si Mike sa bagong daytime drama series na Wagas na magsisimula na ngayong araw bago mag-Eat Bulaga.
Nagbabalik ang tambalan nila ni Sunshine Dizon mula sa hit na hit na Ika-6 na Utos.
Dito sa Wagas episode nilang Throwback Pag-ibig ay mag-asawa sila ni Sunshine na may isang anak na ginagampanan ng magaling na bagets na si Leanne Bautista.
Ngayon daw ay feel na feel na raw niya ang father role dahil meron na talaga siyang anak.
Saad ni Mike; “Sasabihin ko na sobrang mas madali na kasi unlike before kailangan ko talagang i-internalize o hindi ko masyado naintindihan kasi pag nagiging tatay ako sa isang palabas, alam ko lang tatay ako. Pero wala akong personal inventory dun sa ganung klaseng emosyon o ganung klaseng experience.
“But this time, mas madali na dahil bukod sa magaling si Leanne umarte, ang dali kong isipin na siya yung anak ko.
“Hindi ko na siya masyadong kailangang pag-isipan, nararamdaman ko na siya nang kusa,” pahayag ni Mike.
Isang buwang mapapanood itong Throwback Pag-ibig sa Wagas na sa GMA-7 na mapapanood.