Nag-trending sa Twitter, number 1 nationwide at number 4 worldwide, ang hashtag na #ALDENxSeoulDramaAwards nang manalo ng Asian Star Prize si Alden Richards last Wednesday, August 28.
Bale si Alden na ang pangatlong nakatanggap ng international drama awards from South Korea, nauna na rito sina Dennis Trillo at Gabby Concepcion.
Nagkaroon ng one day break si Alden after the 14th Seoul International Drama Awards dahil kagabi, August 29, lamang siya bumalik from South Korea.
Samatala, kahit na saglit lang ang pagpunta niya doon, pinagkaguluhan naman siya ng Knetizens sa sikat na South Korean online platform na Naver kung saan siya nag-trending. Maraming Koreans ang humanga sa kanyang ngiti at kaguwapuhan.
Today, back to work na siya dahil may taping na siya ng teleserye niyang The Gift na balitang sa September 16 na ang pilot episode nito sa GMA primetime telebabad.
Bukas, August 31, paalis na naman si Alden, this time for Cambodia, dahil mag-a-attend sila ni Kathryn Bernardo ng premiere night ng blockbuster movie nilang Hello, Love, Goodbye doon.
Gabbi ayaw muna ng ka-loveteam
Nagsimula sa showbiz si Gabbi Garcia na may ka-loveteam, ilang projects din ang nagawa nila ni Ruru Madrid, pero later on, hindi na sila pinagtambal, kaya naman sa mediacon ng bago nilang drama-action series na Beautiful Justice na si Derrick Monasterio ang katambal niya, natanong siya kung si Derrick na ang bago niyang ka-loveteam?
“Leading man po siguro, hindi na loveteam,” nakangiting sagot ni Gabbi. “Mas maganda po na wala munang loveteam, mas masaya iyong iba-iba naman ang katambal mo. Hindi limited ang gagawin mong project, dahil walang iisiping may iku-consider kang loveteam.
“Tulad po dito sa Beautiful Justice, matagal na kaming magkakilala ni Derrick pero first time po lamang kaming magkatambal dito. Ngayon ko lamang nalamang kenkoy din pala siya, akala ko napakaseryoso niya hindi pala. Magaan siyang kasama sa eksena, makulit, kahit sino sa set kinakausap niya. Nag-enjoy kaming lahat noong magsimula na kaming mag-training para sa serye, dahil mga PDEA agents kami. May bonding kaming lahat kapag sabay-sabay kaming nagti-training.”
Noon ay dream ni Gabbi na mag-join ng beauty contest, tuloy pa ba siya roon?
“Pinag-iisipan ko pa rin po, pero mahirap palang mag-join ng beauty contest kung artista ka, you have to give-up everything, your contract sa network mo, sa mga endorsements mo at totally tututukan mo ang training para sa beauty pageant. Parang nakakahinayang po naman. Marami na rin akong nagawa, tapos igi-give up ko lamang.”
Kilala na nga si Gabby na isang endorser at influencer, kaya madalas din na busy siya sa mga pagta-travel abroad para sa mga event ng ini-endorse niya.
Sa direksyon ni Mark Reyes, kasama rin ni Gabbi sa Beautiful Justice sina Yasmien Kurdi, Bea Binene, at Gil Cuerva, Bing Loyzaga, Valeen Montenegro at Victor Neri.
Sa September 9 na ang world premiere nila sa primetime telebabad, pagkatapos ng 24 Oras.