Hindi na kami nagulat nang bigla na lang nagkaroon ng announcement na si Congresswoman Vilma Santos-Recto ay napili rin sa kamara bilang deputy speaker. Sinasabi nga ng iba na yun naman ay isang political accommodation dahil sa suporta nila sa kasalukuyang Speaker na si Alan Peter Cayetano. Pero ang nakakagulat din doon, sa dinami-rami ng mga artista at iba pang entertainment personalities sa kongreso, si Ate Vi ang kanilang napili.
“Sa lahat naman kasi ng artista sa kongreso si Ate Vi ang pinaka-sikat,” sabi ng isang observer. At bukod doon, dahil na rin siguro sa kanyang background na siyam na taong mayor, siyam na taon ding governor ng kanyang lalawigan. Bukod pa nga sa maganda niyang record bilang public servant noon pa.
Pero ang sinasabi nga nila, ang mas nakakatakot diyan, bilang isang deputy speaker ay may nadagdag na namang mga katungkulan si Ate Vi at baka dahil diyan ay kailangan na naman niya ang panibagong pag-a-adjust sa kanyang trabaho at lalong hindi na makagawa ng pelikula this year. “Baka maudlot na naman ang movie,” sabi nga ng kanyang fans na matagal nang naghihintay na mapanood siyang muli. Puro rin kasi tsismis, walang maliwanag kung may project na nga bang tinanggap si Ate Vi, at kung mayroon man ano na ang status.
Eh si Ate Vi naman, basta may dumating na project na talagang gusto niya, tiyak gagawan niya nang paraan para maisingit iyan sa kanyang schedule. Alam naman ninyo ang mga artist, hindi pinag-uusapan diyan ang kikitain, hindi pinag-uusapan ang pagod, basta gusto nilang gawin ‘yung gusto niya.
Isa pa, marami naman silang deputy speakers ngayon ng house kaya hindi masyadong problema iyan, maliban kung may ipagagawa sa kanilang particular ang speaker. Halos pareho na sila ng kategorya ngayon ni Senador Ralph Recto, na sa senado naman ay Senate President pro tempore.
Anak ni Mayor Isko kulang pa sa build up para magbida sa pelikula
Sasabak na nga pala sa isang pelikula ang anak ni Mayor Isko Moreno na si Joaquin Domagoso. Mukhang base sa mga naunang sabi-sabi, siya ang bida at may ka-love team na isang baguhan din. Hindi pa man, sinasabi na naming mukhang maling move ‘yan.
Sayang, dahil guwapo naman talaga si Joaquin at siguro kung mabibigyan lamang ng tamang build up, maaaring sumikat bilang isang matinee idol. Pero kailangan matinding build up muna. Huwag nilang isabak agad nang hindi pa handa ang bata. Wala pa halos exposure tapos pagagawin ninyo ng pelikula. Papaano kung hindi kumita? Goodbye na?
Sayang dahil malakas ang personality ni Joaquin at mahirap nang maghanap ng ganyang hitsura sa ngayon. Huwag nilang sayangin ang potentials ng bata.
Young actress front lang ang moving on, worried na worried na mawalan ng career
“Hindi totoong moving on ang malanding bata, kasi iyak siya nang iyak dahil sa nangyayari sa kanya ngayon, pero magtiis siya malandi siya eh,” sabi ng isa naming source tungkol sa isang female star. Panay ang palabas niya ng mga pictorial ngayon na masaya siya at magandang-maganda pero hindi na pala ganoon ang hitsura niya dahil sa kaiiyak at sa pag-aalala na bagsak na ang kanyang career.
Mukhang marami siyang mga project na hindi na matutuloy dahil natatakot din ang network sa pagkawala ng gana ng sponsors sa kanya.
Ang aga niyang nalaos ano.