MANILA, Philippines — Unang pinalabas noong 1983, nagbabalik ang Bad Bananas sa Puting Tabing para mapanood ng bagong henerasyon matapos nitong mai-restore at ma-remaster at i-premiere ng ABS-CBN Film Restoration sa Cinemalaya 2019 sa CCP Dream Theater.
Tinuring na kakaiba ang uri ng katatawanang dala ng pelikulang tungkol sa simple ngunit naging komplikadong paglalakbay ng apat na magkakaibigang misteryosong napadpad sa Mexico pagkatapos mag-dive sa Hundred Islands sa Pangasinan.
Dumalo sa premiere sina Mariel Cruz, anak ng cinematographer na si Ely Cruz, Monet Ongpin-Aquino at Denise Ongpin-Sanico, na mga anak ng producer na si Simon Ongpin, at ang mga bida sa peliluka kasama ang kanilang pamilya: Edgar Mortiz, Jaime Fabregas, Christopher de Leon and Laurice Guillen.
Lubos ang pagkamangha, tuwa, at pasasalamat ng cast sa pagsasaayos ng pelikula upang ma-enjoy ng bagong henerasyon.
“Sinong mag-aakala na mapapanood naming muli ang mga kabaliwan namin noon sa paggawa ng pelikulang ito? Nasorpresa ako na napili itong i-restore. Maraming salamat sa pag-rerestore muli ng Bad Bananas para mapanood naman ng bagong henerasyon ang mga kabaliwan namin,’’ saad pa ni Edgar Mortiz.
“Maraming salamat sa pagsuporta sa industriya ng pelikulang Pilipino, nakakataba ng puso ang pagsasaayos ng pelikulang ito. Sobrang saya namin habang ginagawa namin ito, mababaliw kayo dito sa kakatawa. Kahit noong binabasa ko ang materyal, nagulat ako kung paano naisip nina Direk Peque at Direk Jose Javier Reyes yung mga nakakalokong eksena sa pelikula,” masayang paglalahad pa ng batikang aktor na si Christopher de Leon.
Isang malaking pruweba ng mataas na kalibre ng pagkakagawa sa pelikula ang mga de kalidad na mga artistang nag-cameo sa pelikula, tulad nina Nora Aunor, Sandy Andolong, Amy Austria, Laurice Guillen, Hilda Koronel, Rio Locsin, Gina Alajar at Ronnie Lazaro.
Nai-restore sa 2K na 35mm print film ang pelikula na nasa pag-aalaga ng ABS-CBN Film Collection. Dahil sa pagkaluma nito, maraming depektong nakita sa pelikula tulad ng mga gasgas kada frame, alikabok, dumi, paglabnaw ng orihinal na kulay, mga amag at pati na fungus. Umabot ng 3,800 oras ang pag-restore ng pelikula sa Kantana Post Production sa Thailand, ang postproduction house ng kakapalabas pa lamang na Star Cinema hit na, Hello, Love, Goodbye.
Misyon ng ABS-CBN na lalong mapaglingkuran ang sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng pagkalinga at pagsasa-ayos ng mga pelikulang humulma na sa kultura ng bansa sa pamamgitan ng ABS-CBN Film Restoration project. Kamakailan lamang nagawaran ng international Gold Quill sa Vancouver, Canada ng International Association of Business Communicators ang grupo para sa kampanya nitong Sagip Pelikula, na lalong nilalapit ang sining ng pelikula sa mga millennials.