Pelikula kailangan ng magandang handling at timing!

Maliwanag na nga ngayon, sa kabila ng malakas na ulan at baha, ang mga tao basta may pelikulang gustong panoorin, manonood sila. Pero hindi na bago iyan, natatandaan namin noong araw pa sa isang sinehan sa Maynila, nanonood kami ng isang pelikula ni Vilma Santos. Puno ang sinehan pero ang mga tao ay nakaupo sa ibabaw ng mga upuan dahil baha hanggang sa loob ng sinehan. Pero puno ang orchestra section.

Nangyari rin iyan sa isang pelikula ni Mang Ramon Revilla noong araw, baha hanggang loob ng sinehan, pero may nanonood. Ang ilang mga sinehan kasi noon, binabaha ang orchestra section. Stand alone pa ang mga sinehan, hindi kagaya ngayon na nasa loob na ng malls. Kaya nga may panahong may ipinatong pang “flood tax” sa bayad sa sine, para maayos ang drainage at huwag na silang bahain.

Pero dahil sa mga nangyayaring ganyan, ibig bang sabihin ay wala nang pag-asa iyong mga artistang ang pelikula ay hindi kumikita ng daang milyon kahit na bumabagyo? Baka naman kailangan ng repackaging. Baka mali ang mga proyektong nagagawa nila. Baka kailangang mas mapag-isipan kung ano ang mas kikitang pelikula na sila ang stars.

Marami riyan hindi mo aakalaing magiging big stars, pero dahil natatama lamang sa magagandang projects kaya kumikita nang malaki ang pelikula at nagiging star. Mayroon namang napakagagaling, pero hindi naman kumikita nang ganyan kalaki ang pelikula.

Mas lalong nagiging maliwanag ngayon na ang negosyo pala ng pelikula, kailangan talaga magandang handling at magandang timing. Hindi pinag-uusapan dito ang ganda ng pelikula.

Bakit ba kumikita ang mga pelikula nina Vice Ganda at Vic Sotto? Bakit marami nang naiinis sa kuwento pero nananati­ling top-rater ang FPJ’s Ang Probinsyano? Marketing strategy lang eh. At ang unang rule sa marketing, itinda mo kung ano ang gustong bilhin ng mga tao.

Juliana pasok sa volleyball team ng UP

Hindi namin masasabing lalakas ang team ng UP Lady Fighting Maroons sa volleyball sa UAAP dahil naroroon na si Juliana Gomez, pero tiyak na marami ang mag-aabang sa kanilang laro para makita nang personal ang magandang anak nina Congresswoman Lucy at Mayor Richard Gomez.

Mabilis na nakapasok sa UP Fighting Maroons si Juliana, at bakit nga hindi eh talaga namang naglalaro na siya ng volleyball at sumasali na sa kumpetisyon noon pa man. Idagdag mo pa riyan ang katotohanan na si Mayor Goma, national volleyball player din ng Pilipinas. Puwede bang hindi sanayin iyan ng tatay niya?

Pero ang usapan nga, magkakaroon ng psychological advantage ang Fighting Maroons sa mga kalaban, at para sa isang liga ay napakalaking bagay iyan, dahil sa pagsali ni Juliana. Tiyak dadayuhin iyan ng mga fans eh.

Aktor nagalit sa mall na nag-alok ng free meal kapalit ang kanyang performance

May isang artista diumano na nagalit nang imbitahin siyang mag-perform sa isang mall nang walang bayad at may free meal lang. Iba na ang takbo ng panahon ngayon talaga, dahil kailangan lahat babayaran na. May panahon kasi noong araw na iyang ibang artists, lalo na at hindi naman talagang stars, ok lang sa kanila iyon dahil nagkakaroon sila ng exposure at naipapakita ang kanilang ta­lents. Mayroon pa ngang talents na nagpapasalamat, dahil nakakakuha sila ng venue para maipakita kung ano ang kanilang nalalaman.

Kaunting misunderstandings lang siguro iyan, na kung na­ging maliwanag ang usapan hindi naman magiging malaking issue talaga.

Show comments