Bagong Darna tinututukan kung tataas ang lipad!
Si Vilma Santos ang aktres na may pinaka-maraming nagawang pelikulang Darna. Iyong ibang mga nauna sa kanya, sinasabing nag-Darna, pero siya, talagang pinangatawanan ang role sa ilang pelikula rin.
Una siyang naging Darna sa pelikulang Lipad Darna, Lipad, na ang gumawa ay ang Sine Pilipino. Isa iyong independent film company na nagsisimula pa lamang. Trilogy ang Lipad Darna, Lipad, at tatlong director ang gumawa noon, sina Joey Gosiengfiao, Elwood Perez at Maning Borlaza.
Sa laki ng kinita ng pelikulang iyon, hindi maiiwasang hindi sundan ng ilan pang Darna movies, na ang nagtuloy ay ang itinuturing na home studio noon ni Ate Vi, ang Tagalog Ilang-Ilang Productions ni Atty. Laxa.
Pero noong naging Darna si Ate Vi, Vilma Santos na siya, takilya queen na ang tawag sa kanya. Marami na siyang nagawang hits. Palagay namin iyon ang isang sikreto niyang Darna, aba eh hindi ginagawa iyan ng mga walang name.
Si Angel Locsin, sumikat nang husto bilang si Alwina ng Mulawin. Sikat na si Angel nang gawin ang Darna. Kaya tama sana si Liza Soberano, kasi sikat na.
May mga sumubok sa iba, kilala na rin pero hindi pa masyadong sikat. Gumawa ng Darna si Anjanette Abayari, hindi naman sumipa. Naging Darna rin si Nanette Medved, hindi nakalipad ng matayog.
Makakasipa kaya at makakalipad ang bago nilang Darna na wala pang masyadong nakakakilala?
Ang concept nga siguro, kagaya ng super hero movies sa ibang bansa, hindi kailangang sikat ang artista pero dahil nagagamitan ng mga bagong gimmick at mga makabagong opticals, kumikita ang pelikula at sumisikat pa ang artista. Pero ganoon ba kaganda ang opticals na gagamitin nila sa Darna?
Dalawang MMFF makakatulong sa industrIya?!
Inalmahan ni Assistant Secretary Celine Pialago ng MMDA ang nasabi ng Film Development Council of the Philippines na ang ikalawang MMFF ay kasama na sa plano nila. Hindi naman daw ganoon ang pagkakasabi ng FDCP, pero may mga plano sila.
Hindi nga ba kaya sila gumawa ng isang nationwide na pista ay dahil tumagilid iyong minsang pakikialam nila sa MMFF? Nag-flop naman iyon noong taong iyon.
Napakarami namang festivals ng pelikulang Pilipino at maliban sa MMFF, lahat ng festivals puro na indie. Tama lang siguro na magkaroon ng isa pang MMFF na hindi naman indie at makakatulong sa industriya dahil kikita. May maisusuporta sa industriya dahil may income.
Mayor Isko napaiyak nang maalala si Kuya Germs
Matapos ang halos isang oras na interview ni Mike Enriquez kay Mayor Isko Moreno ng Maynila, nasabi ng news anchor na kung may natutuwa man daw sa ginagawa ni Yorme, alam niyang iyon ay walang iba kung hindi si Kuya Germs. Hindi napigilan ni Yorme ang maiyak. Naalala niya kung papaanong dahil kay Kuya Germs ay naiahon sila sa kahirapan, sa kanilang pagiging “haciendero sa Tondo”, at sa pangangalakal niya ng basura.
Marami naman talagang natulungan si Kuya Germs at maraming mga kabataan na nailayo niya sa masasamang bisyo lalo na ang droga dahil umaasa sila na hindi man nakapasok, possible pa silang mapasok noon sa That’s Entertainment. Hindi na magagawa iyan ngayon. Wala nang master showman na gagamit ng sarili niyang pera para sa ganyang klase ng show, na nag-aabono pa siya.
- Latest