Sabihin na nating naging palasak iyan noong early seventies. Tinawag na Superstar si Nora Aunor, dahil noon ay masasabi mong phenomenal ang kanyang kasikatan. Hindi nagpatalo ang supporters ng kanyang kalabang si Vilma Santos, na tinawag naman muna nilang “takilya queen” dahil lahat ng pelikula niya noon ay talagang nagiging hit. Tapos si Ate Vi ay nagsimula na ngang tawaging Star For All Seasons, kasi nga kahit na anong klase ng pelikula ang uso ay mayroon siya at kumikita ang pelikula niya.
Siguro dahil sa mga bagay na iyan kaya nauso ang pagbibigay ng titulo sa mga artista. Ok lang naman pero basta inabuso, masama rin. Aba dumating ang panahong kahit na sinong tinghoy eh binigyan ng title. May mga taong umasta na akala mo henyong makapagbibigay ng title. In the end nagmumukhang katawa-tawa na ang title at ang mga artistang binigyan nila nito.
Ang pagbibigay ng title, tinatawag na “branding” ay hindi basta nagagawa. Kailangang maghintay ka ng tamang pagkakataon bago gumawa ng isang title. Hindi rin ikaw ang gagawa. Maaaring isalin mo lang sa salita ang bagay na nabubuo na sa isipan ng masa.
Kung si Nora ay tinawag na Superstar noong panahong supporting roles pa lamang ang kanyang ginagawa, may maniniwala ba? Kung si Vilma Santos ay tinawag mong Star For All Seasons tapos may nauso lang na ibang genre ng pelikula ay nawala na ang kasikatan niya, matatawag mo pa ba siyang Star For All Seasons?
Halimbawa may sumikat sa mga pelikulang bomba. Noong mawala ang bomba nawala na rin. Masasabi mo bang star talaga iyon? Halimbawa, may sumikat dahil lumabas sa mga pelikulang massacre. Noong mawala ang massacre, wala na rin ang artista, star na ba iyon?
Ito ang pinaka-common, halimbawa sumikat dahil sa love team, noong mawala ang love team nawala na rin, star na ba iyon? Kaya mahirap gumawa ng stars. Hindi dahil may TV network ka makagagawa ka na ng star. Hindi dahil may film company ka makakalikha ka na ng star. Hindi po mga sir, ang tao pa rin ang gumagawa ng mga star.
Isa pang tandaan ninyo, ang title ay hindi forever. Tinatawag ka mang star na kung ano ngayon, pero pag nalaos ka, wala na rin iyan.
Mga nawawalan ng trabahong artista, nakakapag-isip ng masama
Noong isang araw, nabulaga na naman tayo ng kaso na isang dating artista raw na nakilala noon bilang si Angela Zamora na ipinakilala noong 1997, kasama nina John Lloyd Cruz, at iba pa sa Batch 5 ng Star Circle, ay nahuli sa Bacoor, Cavite kasama ang kanyang kinakasama at 30 iba pa dahil sa shabu.
Dahil daw sa hirap ng buhay kaya niya pinasok ang pagtutulak ng droga sabi ng dating artista. Lima pa ang kanilang anak ng kanyang kinakasamang pusher din.
Bakit nangyari iyan sa isang dating artista? Kasi sila simple lang naman ang pamumuhay. Gagawin mong artista at bibigyan mo ng ilusyon ng magandang buhay. Masasanay iyan. Hindi na sasakay sa jeep iyan. Hindi na kakain sa carinderia. Artista na siya eh, baka may makakita at makakilala, nakakahiya.
Ano ngayon ang gagawin niyan kung binigyan lang ng ilusyon at hindi naman napasikat ng mga nangako sa kanila ng stardom. Babagsak nga sa ganyang klase ng illegal na negosyo kung hindi naman sa prostitusyon. Kung iisipin mo, hindi lang sila ang may kasalanan. Hindi ba may responsibilidad na moral din iyon nagbigay sa kanila ng ilusyon sa buhay?
Ang sinasabi namin, discover sila nang discover ng mga baguhan na hindi naman nila kayang pasikatin. Kung binago mo na ang lifestyle ng isang tao, ano ang inaasahan mong mangyayari sa buhay niyan?
Kaya iyang mga nagdi-discover ng stars, may responsibilidad na moral din iyan sa mga nangyayari sa mga taong binago nila ang buhay pagdating ng panahon.