Barbie gaganap bilang binulag na kasambahay

Barbie Forteza

MANILA, Philippines — Isa sa mga naging kontrobersyal na kaso noong 2012 ang masidhing pagmamalupit ng mag-asawang amo sa kanilang kasambahay na si Bonita Baran.

Tumagal ng limang taon ang paglilitis ng kasong ito na umabot pa hanggang Senado, at umapila ang mga nasasakdal hanggang sa Supreme Court.

Dahil dito, naisabatas noong 2013 ang Republic Act no. 10361 na mas kilala bilang Batas Kasambahay. Ito ang nagbibigay ng karampatang benepisyo, sapat na sahod at proteksyon para sa mga kasambahay.

Sa natatanging pagganap ni Barbie Forteza, tunghayan ang kuwento ng isang babae na binulag man ng pang-aapi ay naglakas loob na imulat ang kaisipan ng lahat para sa respeto na kailangan ng ating mga kasambahay.

Makakasama sa nasabing episode sina Ms. Bing Loyzaga, Jong Cuenco, Raquel Pareno, Don Umali at Angela Evangelista na pinamagatang Ang Pagmulat ng Binulag na Kasambahay: The Bonita Baran Story, sa ilalim ng direksyon ni Conrado Peru, mula sa panulat ni Gina Marissa Tagasa at pananaliksik ni Cynthia Delos Santos. Mapapanood ito ngayong Sabado, Hunyo 29, 2019, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Starstruck.

Show comments