Lucy ayaw ng artificial na pagbubuntis!

Tama naman si Congresswoman Lucy Torres-Gomez na kung magkakaroon nga naman silang muli ng anak ni Mayor Richard Gomez, gusto niya sa natural na pamamaraan. Ewan kung kanino nga ba nagmula na maaari nilang subukan ang invitro fertilization eh nasa tamang edad pa rin naman sila para magkaroon ng anak sa normal na paraan. Wala namang nakikitang may problema sa kanino man sa kanila.
Iyan ay ginagawa lamang ng mga wala nang kakayahang magkaroon ng anak. Halimbawa matanda na talaga o may problema na sa katawan na mahirap nang magbuntis ang babae, o wala na ring kakayahan ang lalaki. Ginagawa rin iyan ng mga lesbiyana na gustong magkaroon ng anak o ng mga baklang gustong masabing tatay din sila.
Milyon ang gastos diyan sa in vitro fertilization, at masasabi nga natin ang pamamaraan ay hindi natural kasi pinakikialaman na ang pagbubuntis eh.
Tama iyong paniwala ni Congresswoman Lucy, ang pagiging magulang ay biyaya ng Diyos. Gusto mo mang magkaroon ng anak ulit, ipagdasal mo at bahala na ang Diyos kung ibibigay sa iyo o hindi. Kung ibibigay eh di salamat. Kung hindi naman, baka may dahilan ang Diyos para hindi ibigay iyon.
Naalala nga namin iyong mga matatanda noong araw. Kung may gustong magkaroon ng anak at matagal nang walang dumarating sa kabila ng pagsisikap, ang sasabihin nila sumayaw ka sa Obando. At sa totoo lang, hindi iilan iyong narinig naming kuwento na nagkaroon sila ng anak matapos na sumayaw kay Santa Clarang pinung-pino.
Kailangan lang siguro ay tamang panahon at determinasyon. Tingnan ninyo si Vilma Santos, noong dumating ang panahong gusto na niyang magkaroon ng anak ulit at sinabi ng mga doctor na mahihirapan siya dahil sa pagod at kasasayaw niya sa kanyang show, tinalukuran niya ang top rated show niya noon. Nagbuntis siya, nagkaanak at ngayon malaki na si Ryan Christian.
John Lloyd parang tatapusin na ang indefinite leave
Sa mga indikasyong nakikita namin, naniniwala kaming hindi magtatagal at sasabihin ni John Lloyd Cruz na babalikan na niya ang kanyang pagiging artista. Nagdeklara siya noon ng indefinite leave, ibig sabihin suspindido rin ang time clause ng kanyang kontrata sa ABS-CBN. Ibig sabihin kung magbabalik na siya, kailangan niyang ituloy ang nalalabi pang bahagi ng kanyang kontrata.
Kung sabagay, bago naman nag desisyon si John Lloyd na tumigil muna sa pag-aartista, para magkaroon ng privacy ang pagbubuntis at panganganak ng kanyang girlfriend na si Ellen Adarna ay maganda naman ang kanyang relasyon sa kanyang network.
Bahagi siya ng isang top rating sitcom. Siya ang biggest grosser ng kanilang mga pelikula.
Dating Kapamilya young star gustong maging bida sa GMA
Wala raw naibigay sa kanyang role ang ABS-CBN kung ‘di bilang kaibigan ng bida. Eh siguro dahil sa takot siyang maging Nori Dalisay, lumipat na lang si Lexi Gonzales at sumali sa Starstruck ng GMA-7. Baka nga naman sakaling mapansin siya at umangat naman kahit na papaano ang mga ipagagawang roles sa kanya. Ano naman kaya ang mangyayari? Gagawin kaya siyang kapatid o pinsan sa halip na kagaya noong dating laging kaibigan ng bida?
Iyan kasing pagiging artista, kailangan mapagsabay mo ang tamang diskarte sa career at suwerte na rin. Mayroong iba hindi mo akalaing sisikat pero biglang sumikat. Mayroon namang hindi.
- Latest