ABS-CBN ililipat na ng ibang channel?!
Para silang nanganganay at naghihintay kung ano ang mangyayari sa susunod na siyam na buwan, matapos maiwan ng nakaraang kongreso ang RA 4349, na naglalayong pahabain pa ng susunod na 25 taon ang franchise ng ABS-CBN Broadcasting Corporation.
Ang panukalang extention ng kanyang prangkisa ay iniharap sa mababang kapulungan ng Kongreso noon pang Nobyembre 10, 2016 ni Congresswoman Micaela Violago ng Nueva Ecija. Nang kanyang iharap ang panukala halos tatlong taon na ang nakararaan, sinabi niyang kailangang ipasa iyon ng Kongreso para maipagpatuloy ng ABS-CBN ang kanilang broadcast at paglilingkod sa mga Pilipino, pero ang panukala ay hindi napansin, at natabunan ng iba.
Ang prangkisa ng halos lahat ng networks ay nai-extend na ng batas. Tanging ang sa ABS-CBN na lang ang naiwan. Hindi maikakailang ang isang malaking factor diyan ay ang reklamo ni Presidente Rodrigo Duterte laban sa ABS-CBN, at sinasabi nga nilang palampasin man nila ang panukalang batas, kung hindi rin naman iyon pipirmahan ng presidente, sayang lang ang pagod nila.
Mukhang nakahanda naman ang ABS-CBN sa kung ano man ang maaaring mangyari dahil sa ngayon ay dine-develop na nila ang live streaming gamit ang internet, ganoon din ang pagiging producer ng program material na maibebenta nila sa iba pang networks.
May sinasabi rin na maaaring makipag-collaborate ang ABS-CBN sa binitiwang partner ng karibal noong GMA-7, ang ZOE TV-Channel 11. Nang matapos ang usapan, ginamit na muli ng GMA News TV ang dati nilang UHF frequency, ang Channel 27, at umalis na sa Channel 11.
Dahil sa may sariling prangkisa ang ZOE TV, maaaring makipag-collaborate sa kanila ang ABS-CBN. Iyan ay ilan lamang naman sa options, at dahil diyan ay masasabi nga nating siguro nga hindi naman ganoon karami ang mawawalan ng trabaho kung sakali man at hindi makalusot ang prangkisa ng ABS-CBN.
Bukod sa problema sa presidente, pinalulutang ngayon ng mga kritiko ng network ang naging problema noon sa BIR, na alam nating settled na matapos silang magkaroon ng compromise agreement. Iniimbestigahan din daw ang ilang behest loans ng mga may-ari ng ABS-CBN, pero hindi naman nabanggit na ang broadcasting network ay bahagi ng utang. Ginagawa ring issue ang kanilang labor problems.
Mayroon pa kaming naririnig na isang scenario. Kung hindi raw makakakuha ng prangkisa ang ABS-CBN, papasok naman ang isang malaking kumpanya para humingi ng broadcast franchise mula sa gobyerno. Ibig sabihin may nag-aabang naman palang ibang interesado.
Maraming ispekulasyon kung ano ang maaaring mangyari. May usapan pang may dalawa raw actor ang nangakong tutulong para ma-renew ang franchise ng ABS-CBN, pero bago ang “lakarang iyon” kailangan muna nilang makumbinsi ang congressmen sa susunod na kongreso na aksiyunan nga ang panibagong panukalang batas na magbibigay sa kanila ng prangkisa. Kung wala ang panukalang batas, ano nga ba ang pag-uusapan. At ang masakit kailangang ikampanya nila iyan nang husto dahil siyam na buwan na nga lang ang itatagal ng buhay ng kanilang network kung hindi makakalusot iyan.
Pero sinasabi nga ng mga observer na mukhang confident naman ang ABS-CBN na kalaunan ay bibigyan din naman sila ng prangkisa, kaya nga panay ang papirma nila ng kontrata sa mga artista, masigasig sila sa sales at nagtatayo pa ng bagong studio na lilipatan ng network sa San Jose del Monte.
Kung kami ang tatanungin eh sana maayos naman iyan. Sayang din naman ang kanilang goodwill sa nakaraang 65 taon, kung mawawala sila nang ganoon na lamang. Kikilos din ang mga iyan, dahil ABS-CBN na lang ang natira bukod sa ilan pang kumpanya matapos mawala sa kanila ang maraming kumpanya nila na naisara kung hindi man naibenta na.
- Latest