MANILA, Philippines — Aliw na aliw si direk Adolf Alix nang bumalik ng bansa mula France na kung saan dumalo siya sa Cannes International Film Festival, dahil nakapag-selfie daw siya kay Tilda Swinton.
Pero mas masaya siya dahil sa magandang balita tungkol sa pelikula niyang Misterio dela Noche na dinala niya roon.
“Yung Misterio dela Noche is picked up by Reel Suspects, a French sales company.
“Sila po ang magbebenta ng rights outside of the Philippines,” pahayag ni direk Adolf.
Sina Solenn Heussaff at Benjamin Alves ang bida sa pelikulang ito na inilako roon sa prestigious international film festival.
Kuwento ng FDCP Chairperson Liza Diño na dumalo roon sa Cannes, naging spotlight country daw ang Pilipinas doon sa Cannes Producers Network. Kaya nandun ang mga film producer para dalhin ang kanilang pelikula.
“Isa ito sa malaking industry event ng Cannes na kung saan lahat na mga international producers galing sa ibang bansa nagkakilala para magkaroon ng opportunity para mag-partner, co-production, mag-invest sa pelikula ng isa’t isa,” saad ni Liza.
Kaya napansin nga itong Misterio dela Noche para i-market sa ibang bansa.
“It’s so humbling na I was able to bring these top independent producers natin and even ABS-CBN and other producers, APT, IdeaFirst, Globe Studio, Spring Films. They’re all there para i-represent ang Pilipinas, and ibang klase na nakikita sa ibang bansa na they’re representing Philippines as one. Nagkakaisa silang mga producers para i-represent yung Philippines,” dagdag na pahayag ng FDCP Chairperson Liza Diño.
Bayani umamin sa libreng ticket ng gobyerno para sa entertainers
Nung nakaraang Sabado ng gabi lang dumating si Bayani Agbayani galing Japan kasama ang asawa niyang si Lenlen.
Tinawagan namin ito para linawin itong isyu sa social media nang pagsama ng mga artista sa state visit ni Pres. Rodrigo Duterte doon sa Japan.
Sinabi niyang ang tanggapan ng bagong halal na senador na si Sen. Bong Go ang nagsama sa kanya roon.
Kaya nilibre raw ang ticket niya pati ang hotel. Pero alam niyang nagtitipid dahil economy lang daw ang ticket nila at siya ang nagbayad ng ticket ng asawa niya dahil isinama niya ito.
Sabi ni Bayani, “Mapapanghawakan ko lang ang sarili ko ha? Hindi ko alam yung sa iba.
“Akala ko blowout sa amin, yun pala magtatrabaho kami. Kaya sabi ko kay Lenlen, matuwa na lang tayo dahil nakita naman tinitipid talaga nila.
“Ah baka nga buwis ng taumbayan ang ginastos sa amin, kaya tinitipid kami. Eh, mag-i-entertain kami dun. Alangan naman ako pa ang magbayad ng economy na ticket ko eh mag-entertain nga kami dun. Saka ang mura-mura kaya ng ticket sa eroplano pa-Japan.”
Kumanta at nagpatawa raw siya roon kasama ang ilang entertainers sa Meeting with the President para sa mga OFW dun sa Japan.
“Dito kahit singko, wala as in wala. Siyempre, yung economy na ticket, alangan namang sagutin ko pa yun?
“Magpi-perform na nga ako dun para sa mga Pilipino para mapasaya sila,” sabi pa ng komedyante.
Nagkaroon lang kasi ng malisya dahil nga sa mga post nina Dianne, kaagad na sinasabi nilang sila ang nagbayad ng ticket nila roon.
Hindi naman daw nila masabihang huwag magpu-post dahil trabaho raw talaga iyun nina Dianne, pati si Michael Pangilinan na magpu-post para sa blog at YouTube Channel nila.
Ang alam daw niya talaga si Dianne lang ang allowed na sumama. Kaya raw niya ibinili ng ticket ang boyfriend na si Rodjun Cruz dahil hindi naman daw maganda na puro mga lalaki ang kasama niya sa biyaheng iyun.
“Sabi ko nga sa kanila, dapat sinasagot nyo ng tama ang bawat tanong.
“Kung ano yung tanong, iyun ang sagot.
“Kasi hindi naman puwede na ikaw pa ang magbabayad ng pamasahe mo, tapos ikaw pa ang magpi-perform, ano ka tanga?
“Normal naman yun eh,” deretsong pahayag ni Bayani.
Ang isa pang kuwento sa amin ni Bayani, ang sure raw siyang hindi nagpapalibre ng ticket at hotel ay si Robin Padilla.
“Si Robin, siya nagbabayad ng sarili niya eversince, pati sa campaign, siya ang nagbabayad.
“Kahit nung campaign namin kay Kuya Bong Go, siya ang nagbabayad,” dagdag niyang kuwento sa amin.
Sana tapos na raw ang isyung yan, at baka iyun pa raw ang pag-usapan kapag ipu-promote na niya ang pelikulang Feelennials nila ni AiAi delas Alas na magsu-showing na sa June 19.