Fans ni Catriona naka-move on na kay Clint
Ang cruel ng ibang netizens sa kanilang comments sa mga celebrity. Gaya na lang sa nabasa naming comment na “from Catriona to Iguna” sa photo na pinost ni Clint Bondad kasama si Kiray Celis. Ibinalita lang naman ni Clint na magkasama sila ni Kiray sa isang episode ng Daig Kayo ng Lola Ko.
Ayun, marami ang umaway sa basher at pinayuhan siyang manahimik kung walang magandang sasabihin. Ipinagtanggol si Kiray ng followers ni Clint na ang kasalanan lang ay makakasama siya ni Clint sa show at nainggit pa yata ang basher dahil sa litrato, nakahiga sa lap ni Clint si Kiray na parang kilig na kilig.
Nag-post ng photos si Clint na naka-topless, kaya ang viewers kinikilig nang makita itong nakahubad. At the same time, curious silang malaman ang role ni Kiray at kung ano ang magiging relasyon nila ni Kiray lalo na sa caption ni Clint sa photo nila na “Am I daddy material?”
Pansin lang namin, parang naka-move on na ang dating mga galit kay Clint dahil sa break-up nila ni 2018 Miss Universe Catriona Gray. Nabawasan na ang mga comment na mabuting hiniwalayan ni Catriona si Clint dahil ginamit lang daw ng binata ang ex-GF para sa kanyang career.
In fairness, hindi dine-delete ni Clint ang mga nega comment sa kanya at binabasa pa yata at nababasa ng mga bumibisita sa Instagram (IG) account niya.
Jason buo ang suporta sa pag-ulit ni Vickie sa Binibini
Ang “Thank you babaaa. I love you!!!” na pasasalamat ni Vickie Rushton sa boyfriend na si Jason Abalos sa suporta ni Jason sa kanya sa ginanap na Parade of Beauties na nilahukan ng finalists sa 2019 Bb. Pilipinas.
Dumayo sa Araneta Center si Jason kung saan ginanap ang Parade of Beauties, naka-motor lang ang aktor, may suot pang mask para siguro hindi siya makilala, pero nakilala pa rin siya.
Hindi umepal si Jason, in fact, nakaupo lang siya sa motorsiklo niya at hinintay lang dumaan ang top down car na sinakyan ni Vickie sa harap niya.
Second time nang sumali sa Bb. Pilipinas si Vickie at last year, nanood sa Araneta Coliseum si Jason sa Grand Coronation Night at tiyak na gagawin uli ‘yun this year. Mabuti na lang at Saturday ang Grand Coronation Night, walang taping si Jason ng Bihag, makakapag-concentrate siya kay Vickie.
Speaking of Jason, siya ang sinisisi ng sumusubaybay sa Afternoon Prime ng GMA 7 na Bihag dahil sa kanya nagsimula ang gulo sa story ng soap. Pero, kung hindi nambabae si Brylle, walang aabangang story na nagpapagalit sa viewers.
Sharon at Sen. Kiko nagbunga ang effort sa anak
Very proud mom si Sharon Cuneta sa anak na si Miel Pangilinan dahil sa mga award na Excellence Awards in English and Filipino na tinanggap nito. Pinasalamatan ni Sharon ang happiness na ibinigay ng anak sa kanila ni Sen. Kiko Pangilinan.
“Congratulations Yellie! So proud of you. Nagbunga din ang ating araw araw na paglalaro gamit ang wikang Tagalog ng bahay bahayan, carinderia carinderia at yung Pretend Play na ikaw si Bantay ang aming alagang Tuta,” post ni Sen. Kiko na ni-repost ni Sharon.
Noon lang uli nakitang magkasama sina Sen. Kiko at Sharon after ng elections, kaya natutuwa ang supporters ng mag-asawa na pareho silang nakangiti sa litrato.
Bitoy gustong sumali kina Ogie at Regine
Inisip ng mga nakabasa sa post ni Michael V na “Sasali na ‘ko sa inyo next time” na iiwan na niya ang GMA-7 at lilipat na sa ABS-CBN lalo na at kasama nila ng asawang si Carol Bunagan sa litraro sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez.
Sabi kasi ni Michael V., bihira silang magsama abroad kahit magkapitbahay sila sa Pilipinas, kaya they made sure na magkita sila sa Amerika. Ayun, inakala nang susunod siya kina Ogie at Regine sa ABS-CBN.
May mga excited na sa posibilidad na magkakasama na sina Ogie, Regine at Michael V sa Kapamilya Network dahil magkakasama uli sina Ogie at Michael V.
Until, may nagpaalala sa netizens na kare-renew lang ni Michael V ng kontrata sa GMA Network at paulit-ulit nitong sinasabi na walang rason para umalis siya sa Kapuso Network at lumipat sa ibang network.
- Latest