Binubuo ng sampung nirerespeto at tinitingalang alagad ng sining ang pagkakalooban ng parangal sa gaganaping 3rd EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa Hulyo 14, New Frontier Theater.
Tulad nung nakaraang taon, bibigyan ng pagpahalaga ng SPEEd, samahan ng mga entertainment editor ng major broadsheets at tabloids sa bansa, sa pangunguna ni Ian F. Farinas (ng People’s Tonight) bilang presidente at Isah Red bilang chairman emeritus ng organisasyon, ang malaking kontribusyon ng Icon awardees sa industriya ng pelikulang Filipino.
Ang 2019 EDDYS Icon honorees ay sina Amalia Fuentes, Vilma Santos, Tirso Cruz III, Christopher de Leon, Joseph Estrada, Eddie Gutierrez, Dante Rivero, Celia Rodriguez, Anita Linda, at Lorna Tolentino.
Samantala, bilang bahagi ng selebrasyon ng sentenaryo ng pelikulang Pilipino, kikilalanin din ng SPEEd, katuwang ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na pinamumunuan ni Chairperson and CEO Liza Diño, ang ilang “unsung heroes” sa likod ng kamera.
Sila ang mga manggagawa na patuloy na nag-aalay ng ‘di matatawarang oras, lakas, at talento para pagandahin ang isang proyekto sa loob ng mahabang panahon.
Kasama rin sa listahan ang pagkilala sa tatlong major studios noong kasagsagan at kalakasan ng pelikulang Tagalog na nagsisilbing inspirasyon sa mga bagong producer sa industriya: ang Sampaguita Pictures, LVN Studios at Premiere Productions.
Kabilang sa honorees sa Parangal Sa Sandaan: LVN Pictures’ Maroth de Leon, Premiere Productions’ Digna Santiago, Sampaguita Pictures’ Marichu Vera-Perez Maceda, Armida Siguion-Reyna, Val Iglesias, Vic Delotavo, Romy Vitug, Romy Peralta, Lucy Quinto, Val Campbell, Rustica Carpio, at Rosa Rosal.
Ang Sandaang Taon ng Pelikulang Filipino ay itinakda sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 622 Series na nilagdaan noong Nobyembre at ang FDCP ang itinalagang lead agency para sa selebrasyong ito.
Nauna nang inihayag ng SPEEd ang mga nominado sa iba’t ibang kategorya ng 3rd EDDYS kung saan maglalaban-laban ang limang de-kalibreng pelikula sa kategoryang pinakamagaling na pelikulang Filipino ng 2018.
Ito ay ang Citizen Jake, Goyo, Liway, Rainbow’s Sunset, at Signal Rock.
Ang pagbibigay ng award ng SPEEd ay isang paraan para hikayatin, lalong pataasin ang morale at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmmakers, producers, writers, actors at iba pa na bumuo ng makabuluhan at de-kalidad na pelikula.