May nagtatanong nga sa amin, tapos na ba ang era ng big stars sa industriya ng pelikulang Pilipino? Iyang tanong na iyan ay ipinasa naman namin sa mga marketing expert ng pelikula sa ating bansa, iyong theater bookers. Iyong manager ng isang malaking theater chain ang sumagot sa amin. Sabi niya “hindi pa dahil nariyan pa si Vilma Santos. Kumbaga sa naglalaro ng baraha, mukhang siya na lang ang natitirang alas. Iyong iba butata na,” ang natatawa pa niyang sabi.
Siguro nasabi niya iyon dahil ang dalawa nga namang iba pa, sina Nora Aunor at Sharon Cuneta ay mukhang pareho na ang kapalaran sa pelikula. Simula nang magbalik si Nora mula sa ilang taong pamamalagi sa US dahil sa kanyang naging problemang legal, hindi na siya nakagawa ng hit. Puro indie na kasi ang pelikula niya, at wala namang kumukuha sa kanyang mainstream project.
Si Sharon naman, matapos mabawasan ang sobrang taba, pumasok sa isang pelikulang indie na walang nangyari. Pero nasundan iyon ng tatlong pelikulang mainstream na mukhang malas dahil lahat naman ay mahina sa takilya. Iyong pinakahuli nga niyang pelikula bumalibag pa.
“Kaya nga ang aasahan na lang natin si Vilma Santos, pero kailangan mapili niya talaga ang project na gagawin niya para siguradong maging hit. Kailangan din magbigay siya ng oras para sa promotions. Kung hindi delikado rin. Wala na tayong ibang pambala. Dati mayroon tayong FPJ. Mayroon tayong Dolphy. Pero walang nakapalit sa mga iyon eh,” sabi pa niya.
Marami pa rin ang umaasa na makakabangon ang industriya ng pelikulang Pilipino, pero kagaya nga ng sinasabi nila, kailangan ang pagpapalit ng direksiyon ng industriyang ito. Ngayon nakita na natin na mukhang mali ang desisyong gumawa ng mga maliliit na pelikula para matapatan iyong pagtaas ng cost of production. Sana nga maayos pa.
Ilang stars ng Kapamilya, naglilipatan na sa GMA-7
Mukhang nagkasabay-sabay nga. Nasa GMA-7 na ngayon si direk Toto Natividad, na alam naman nating sa simula pa ay isa sa mga director ng FPJ’s Ang Probinsyano. Kasabay niya, nagbalik din naman sa GMA-7 ang actor at director ding si Eddie Garcia. Ngayon naroroon na rin si Aiko Melendez na galing din sa kalaban nilang network.
May mga nagsasabi pang may ilang mga artista na posibleng pumasok na rin sa GMA-7.
Magandang balita iyan para sa network dahil ibig sabihin noon nakukuha nila ang malalaking stars. Masamang balita naman iyon para sa ilang artista ng GMA-7 dahil magkakaroon na sila ng kaagaw sa kanilang trabaho. Pero kailangan naman talaga ang ibang stars sa GMA-7.
Same sex marriage malapit nang maging legal sa bansa?!
Masyado na raw obvious ang relasyon ngayon ng isang gay television host at isang foreign male model. Kahit na nga ayaw pang mag-out ng gay TV host, mukhang sa mga kakilala naman nila ay open na ang kanyang pakikipagrelasyon sa male model, na sinasabing nakilala niya sa isang watering hole sa Makati. May mga picture pa sila together ng poging model.
Sabi naman ng isa naming source, okay lang naman daw iyon sa model, na minsan ay naging modelo na rin ng isang factory ng brief, dahil iyon naman daw ay “bisexual” din.
Kaya maraming aktibo sa pagsasabing dapat nang payagan ang same sex marriage sa Pilipinas eh. Pinag-uusapan na nga raw iyan sa bagong kongreso.