Sanya gustong gayahin si Vilma

Sanya Lopez

Ang ganda ng sinabi ni Direk Ricky Davao nang kumustahin sa kanya sa mediacon ng bagong GMA Afternoon Prime drama series na dinidirek niya, ang Dahil Sa Pag-ibig, ang lead actress nito na si Sanya Lopez.

“Mahusay siya, sa ilang beses na naming pagti-taping, nakita kong mahusay na actress si Sanya,” sagot ni Direk Ricky. “Nakikita ko sa kanya na tinatahak niya ang career path ni Vilma Santos noong nagsisimula na siyang gumawa ng mga seryosong roles. Very sensitive niya sa mga eksenang ginagawa niya.”

So, iyon ang sagot kung bakit sa interview kay Sanya tungkol kay Gab Lagman, Kapamilya contract star, mas binigyan ng oras ni Sanya ang kanyang career, kaysa maging seryoso siya kay Gab, na sabi naman niya ay hindi umabot sa pagiging girlfriend/boyfriend ang relasyon nila. Bakit?

“Siguro po, dahil mas seryoso ako sa career ko, saka kung talagang may gusto siya sa akin, bibigyan din niya ako ng oras,” sagot ni Sanya. “Iyong maiintindihan niya ang career ko.”

May chika kasing hindi matanggap ni Gab ang mga eksenang ginawa nina Sanya at Derrick Mo­nasterio sa movie nilang Wild and Free sa Regal Films. Hindi nga naintindihan ni Gab na trabaho lamang iyon.

Sa Dahil Sa Pag-ibig, si Sanya ay si Mariel. Asawa siya ni Eldon (Benjamin Alves) isang OFW sa Saudi Arabia nang mapatay niya ang Arabong amo niya, na asawa ni Portia (Winwyn Marquez) na karelasyon niya roon. Kailangan ni Mariel mag-produce ng 50 million pesos as blood money para makalaya si Eldon.

At ang puwede bang magbigay ng halagang iyon ay si Gary (Pancho Magno) isang sikat na artist, na kaya niyang bilhin kahit ano sa malaking halaga.

Si Gary ay dating boyfriend ni Mariel at kahit matagal na ang naging relasyon nila, obsessed pa rin siya kay Mariel. Siya ba ang magbibigay ng kailangang halaga ni Mariel kapalit ang isang gabing magkasama sila? No problem kina Sanya at Pancho ang love scenes nila dahil comfortable na sila, since nagkasama na sila noon sa Haplos mas sensual lamang ang mga eksena nila rito sa Dahil Sa Pag-ibig.

Max walang pahinga

Busy pala si Max Collins, umaga at hapon napapanood siya araw-araw. Every morning at 8:30 am, mapapanood sila ni Mikael Daez sa pinakabagong live animation series na Alex at Amie. Sa hapon napapanood si Max sa Bihag after ng Dragon Lady.

Ang  Alex at Amie ay kuwento ni Alex at ng kanyang imaginary friend in another world, si Amie. Si Alex ay masungit, seryosong teacher ng Buenavidez Institute of Learning at siya ang magiging adviser ng pinaka-notorious na mga estudyante ng school. Saka naman biglang lilitaw muli si Amie na akala niya ay nakalimutan na niya.  Paano niya di­disiplinahin ang kanyang mga estudyante kung may nakabuntot sa kanyang imaginary friend na siya lamang ang nakakakita?  Ano ang dala ni Amie, gulo o siya ang magpapalambot sa mga pasaway na estudyante?

Si Max ay si Bing, school nurse, kasama pa rin sa cast sina Dominic Roco, Dexter Doria, child stars David Remo at Leanne Bautista, at surprise guests.

Show comments