Harlene open sa posibilidad na magka-posisyon si Herbert sa gobyerno

Harlene

In fairness to me, napuntahan ko kahapon ang magkasabay na oras ng presscon para kay Edu Manzano at ang birthday blowout sa entertainment press ng Bautista siblings na sina Quezon City Mayor Herbert at Hero, kahit nanggaling pa ako sa ospital dahil sinamahan ko si MJ sa pagpapatuli na tumagal ng tatlong oras dahil kinabahan ang bagets.

Una kong pinuntahan ang birthday treat ng Bautista siblings sa showbiz press pero wala si Mayor Herbert. Ang kanyang mga kapatid na sina Harlene at Hero ang nag-asikaso sa entertainment writers na forever grateful sa importansya na ibinigay sa kanila.

Last term na ni Herbert bilang alkalde ng Que­zon City dahil hanggang June 30 na lamang ang kanyang panunungkulan.

I’m sure, malulungkot si Herbert at ang mga empleyado ng Quezon City pero kahit magpapaalam na siya sa kanyang opisina, busy pa rin si Herbert sa mga responsibilidad niya na sure ako na sasaluhin ni Vice Mayor Joy Belmonte.

Nag-promise sina Hero at Harlene na itutuloy pa rin nila ang birthday treat sa mga miyembro ng showbiz press, nasa puwesto man o wala ang kanilang kapatid.

Open din si Harlene sa idea na magkaroon si Herbert ng ibang posisyon sa pamahalaan ni President Rodrigo Duterte dahil sa rami ng karanasan ng kanyang kapatid sa public service.

Edu mukhang hindi affected sa disqualification

Maaliwalas ang mukha ni Edu Manzano nang magkita kami kahapon sa presscon niya sa isang restaurant sa Greenhills.

Parang hindi affected si Edu ng disqualification sa kanya ng COMELEC second division.

Sa true lang, nakatulong pa ang isyu para lalong umingay ang name ni Edu at public awareness na congressional candidate siya sa San Juan City.

Wish ko talaga na mag-win si Edu sa eleksyon sa Lunes dahil taglay naman niya ang mga kakayahan para maging house representative ng San Juan City.

Dahil sa isyu na kinasasangkutan ni Edu, siya ang nagmukhang underdog kaya lalong dumami ang kanyang mga supporter na ayaw na sa maruming paraan ng pamumulitika.

First time sa tuli…

Talagang sinamahan ko kahapon si MJ sa pagpapatuli o o circumcision na ginagawa sa mga batang lalaki pag summer.

Parang badge of honor yata among kids of their age ang ritual na ‘yon. Ang mga ka-age bracket ni MJ na 9 at 10- years- old, na­ririnig ko palagi na pinag-uusapan ang pagpapatuli kaya na-curious tuloy ako kung nagkaroon din ng ganoong experience sa US ang apo ko na si Kinsey.

Hay naku, ang dami mga bata na nakita ko kahapon sa clinic. ‘Yung ibang mga bata, narinig ko na ipinagyayabang sa kanilang mga kuya na hindi sila nasaktan.

Natatawa ako sa mga kagagahan na napapasukan ko dahil imagine, sa edad kong ito, first time ko na sinamahan sa pagpapatuli ang isang bata?

Hindi bale, at least now, alam ko na ang summer ritual na pagpapatuli ng mga bagets na lalake.

Show comments