Mayward tinaob daw ang AlDub, KathNiel at LizQuen

MayWard

Social media surveys kapani-paniwala ba?

Ito ang isang maliwanag na katunayan na hindi mapagtitiwalaan ang lumalabas sa social media. Maniniwala ba kayo sa sinasabi nilang tinalo sa popularidad ng mga hindi pa naman sikat na love team iyong AlDub na nakalikha ng isang fan fever sa buong bansa sa loob ng tatlong taon din?

Maniniwala ba kayo na ang hindi pa naman sumisikat na love team, tatalunin ang LizQuen na sa survey nila ay lumalabas na number 4 lamang. At ito ang mas matindi, lumalabas na number 5 lamang ang KathNiel na nakapag rehistro ng pinakamalaking gross ng isang pelikulang Pilipino noong nakaraang taon.

Sa TV nga lang hindi pa napapansin iyang mga baguhang iyan, papaano mo masasabing sikat iyan dahil lang sa maraming trolls na naglalabas ng posts tungkol sa kanila sa social media?

Iyong sinasabi nilang nangungunang MayWard, hindi ba iyan ang stars doon sa mga pelikulang The One That Got Away, at saka iyong First Love, eh hit ba ang mga pelikulang iyon?

Iyon namang sinasabing second, iyong Donny Pangi­linan at Kisses Delavin, may pelikula na bang maipagmamalaki? Iyong Kisses kamakailan lang nagkaroon pa ng concert sa Greenhills na ni hindi naman napag-usapan.

Kasi iyang social media, madali iyang mai-manipulate ng kahit na sino. Libre lang iyan eh kahit na sino maaaring gumawa kahit na ilandaang account at mag-post nang mag-post maghapon. May mga professional trolls na iyan na ang pinagkakakitaan. Maski nga sa pulitika ginagamit na iyan eh, may mga social media manipulators na sila, kaya minsan pagbubukas mo sa social media sila ang bidang-bida pero hindi naman nila nabe-brainwash ang publiko.

Kagaya rin iyan ng mga pelikulang indie, ang promo ay nasa social media lamang kasi libre iyon, kaya naman matatanong mo kumikita ba? Mas may kredibilidad pa rin ang mga lehitimong diyaryo kaysa riyan sa social media. Sino ba ang maniniwala sa mga ganyang pakulo? Kahit na lasing hindi papatol diyan.

Regine biglang suko

Bakit nga kaya biglang umurong si Regine Velasquez at ngayon ay sinasabing sana magkapatawaran na lang at magtulung-tulong na lang na magtanim ng puno para sa kalikasan. Noong una ang tapang niya sa pagsasabing akala niya matalino si Secretary Teddy Boy Locsin. May mga kumampi naman sa kanya, kabilang na si Agot Isidro na syota ni Florin Hilbay. Bakit ngayon umurong siya?

At stake diyan ang kanyang kredibilidad bilang isang tao. Hindi bilang singer, hindi naman niya kinanta ang pagsasabi niyang hindi matalino si Locsin. Pero sana pinanindigan na lang niya kung ano ang una niyang sinabi, after all ni walang nagtatanong sa kanya. Siya ang biglang bumunghalit nang ganoon.

Magaling na singer iyang si Regine eh, at ang paniwala namin dapat kumakanta na lang siya. Hindi bagay sa kanya iyong humahalo pa sa pulitika. Alam naman ng tao kung ano ang kulay nila.

Richard Reynoso bumalik sa ospital

Nagbalik na naman sa ospital ang singer at kaibigan naming si Richard Reynoso. Kailangang mai-check up kung talaga nga bang may cancer pa siya. Pero palagay namin hindi naman niya dapat ipag-alala iyan. Marami na ang gumaling sa sakit na cancer. Marami nang natuklasang simple lang na panlaban sa sakit na iyan. Hindi na kagaya noong araw na basta sinabing may cancer parang death sentence na iyon.

Kailangan lang talaga tiwala, panalangin sa Diyos at palakasin pa ang katawan, Wala iyang cancer na iyan.

Show comments