Goma proud sa mga nagawa ni Lucy!

Halata namang may bahid ng pulitika ang comment ng isang basher sa social media account ni Mayor Richard Gomez na nagsabing kaya naayos ang kalsada sa Ormoc ay dahil sa pagsisikap ng kanyang asawang si Congresswoman Lucy Torres-Gomez.
Ang tingin namin sa sinabing iyon ni Mayor Goma, para bang isang karaniwang lalaki na nagmamalaki lamang sa mga nagagawa ng misis niya. Si Mayor Goma kasi, sabihin man nating pulitiko, hindi naman siya sanay sa pulitika. Minsan iyong mga statement niyang ganyan, karaniwan lang na sinasabi ng isang tao, lalo na nga at nasisiyahan siya sa nagawa ng kanyang asawa.
Eh alam naman ninyo sa social media, napakaraming bashers na para bang basta may masabi lang. Sumingit ang isang basher na ang sinabi, “oo nga siya ang nagpasimula, pero pera naman ng bayan iyan kaya hindi masasabing sa kanya”.
In the first place, tama naman si Mayor Goma, wala naman siyang sinabi na pera nila ang ipinagpagawa sa kalye. Ang sinasabi lang niya, mabilis na naipagawa iyon dahil sa pagsisikap ng kanyang asawa. Ayaw nga ba naman ninyong naririnig na sa mabuti ginagamit ng pondo at hindi ibinubulsa lamang?
Minsan talaga umaabot din sa isang tao iyong nakukunsumi ka rin sa sinasabi ng ibang tao, at sa palagay namin tama si mayor na huwag nang patulan ang mga ganyan. Tutal Mahal na Araw naman ngayon, ipagdasal na lang ninyo ang mga naninira sa inyo.
Ang mahalaga, sa kabila ng mga ganyang bagay ay magpatuloy ang ginagawang matapat na paglilingkod sa publiko.
Claudine nakasalalay sa MMK ang pagkabuhay ng career
May ginawang drama si Claudine Barretto kamakailan lamang. Iyan ang magsisilbing come back niya matapos ang mahaba rin namang panahon ng kanyang bakasyon, at mga kontrobersiyal na usapan tungkol sa kanyang buhay.
Lahat ngayon ay nag-aabang, mag-rate kaya nang husto ang ginawang TV drama ni Claudine?
Kung iyan ay magre-rate nang husto, tiyak magkakasunud-sunod na naman ang kanyang assignments sa telebisyon at posibleng pagawin siyang muli ng isang pelikula. Kung iyan naman ay hindi masyadong mapansin ng publiko, malamang sa hindi mas hahaba pa ang kanyang bakasyon.
Alam naman ninyo sa TV, star ka lang hanggang mataas ang ratings ng mga show mo. Doon lang nakadepende kung ano pang proyekto ang magagawa mo.
Aktor hindi na nakapaghinay-hinay sa paglaladlad
May problema ang isang male star, nagsisimula pa lang dumating ang magandang break sa kanya, hindi na mapigilan ang kanyang paglaladlad.
Feeling niya, isang senakulo ang kanyang ginagawa at siya si Magdalena kaya iniladlad niya nang todo ang kanyang kapa.
Kaso nahuli ni direk ang kanyang escapades, kasama ang kanyang mga co-star, kaya na-realize noon na dapat pala ay gawin siyang sexy star, “ala Rossana Roces”. Ang kaso, lalaki siya.
Iyan ang sinasabi namin, nagagalit sila kung may lumalabas na tsismis tungkol sa kanila, eh sila naman iyong hindi nag-iingat sa mga ginagawa nila. Puwede ba iyong gumagawa ka ng milagro at hindi kakalat? Malabo iyon.
- Latest